Ni Jel Santos
Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isasara ang EDSA at White Plains Drive ngayong araw kaugnay ng paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa MMDA, sarado ang Ortigas Avenue hanggang Santolan (northbound) simula 12:00 ng hatinggabi hanggang 6:00 ng hapon.
Sarado ang dalawang outer lane sa mga motorista habang bukas naman ang tatlong inner lane mula sa EDSA-Ortigas flyover, at madadaanan pa rin ng mga motorista hanggang Aguinaldo Gate.
Gayundin, ang parehong direksiyon sa White Plains Drive, mula Temple Drive hanggang EDSA, ay sarado mula 12:01 ng umaga.
Inilahad ni Jose Arturo “Jojo” Garcia, MMDA OIC general manager, na ang White Plains Drive ay gagamitin sa mga medical, dental at optical service gaya ng libreng check-up at salamin sa mata.
Inaabisuhan ang mga motorista na iwasan ang mga nasabing lugar, at sa halip ay dumaan sa alternatibong ruta:
Sa EDSA, kung patungong timog, kumanan sa Aurora Boulevard o Santolan, kaliwa sa Gilmore o Ortigas, kanan sa EDSA papunta sa destinasyon, at kanan ulit sa Katipunan o Libis-C5 Road patungo sa destinasyon.
Samantala, ang mga patungong hilaga ay hinimok na dumiretso sa Kalayaan Shaw Boulevard o Ortigas, kaliwa sa C5 Road, kaliwa sa Ortigas patungo sa Greenhills, kanan sa Santolan hanggang sa makarating sa destinasyon; o kaya ay kumanan sa Ortigas o kumaliwa sa Ortigas flyover patungong Greenhills, at kumanan patungo sa destinasyon.