UNITED NATIONS (AFP) – Nagkakaisang hiniling ng UN Security Council nitong Sabado ang 30-araw na ceasefire sa Syria, habang umabot na sa mahigit 500 ang namatay sa panibagong air strikes sa teritoryo ng mga rebelde sa Eastern Ghouta matapos ang pitong araw na pambobomba.
Sa suporta ng Russia, pinagtibay ng Security Council ang resolusyon sa ceasefire upang pahintulutan ang paghahatid ng humanitarian aid at medical evacuations, ngunit hindi nakasaad kung kailan ito magkakabisa bukod sa dapat itong ipatupad ‘’without delay.’’
Sinabi ng Syrian Observatory for Human Rights ng Britain na 127 bata ang kabilang sa 519 nasawi sa bombing campaign na inilunsad ng rehimen noong nakaraang linggo sa kuta ng mga rebelde, sa labas lamang ng Damascus. May 41 sibilyan ang namatay sa pambobomba nitong Sabado.