Cojuangco, iniwan ng mga kaalyado; GTK, umalalay
Ni EDWIN ROLLON
LANGIS at tubig na maituturing ang naging samahan nina dating Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco at dating Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) Go Teng Kok.
Ngunit, sa panahon ng kagipitan, ang magkaribal ay muling naging magkaibigan.
“Siyempre, sumama ang loob ko noon kay Cong. (Peping), but after the election last Friday, talagang naawa ako sa kanya. Subsob na si Cong. (peping) sinisipa pa. Ang masakit, yung mga sinasabi niyang loyal sa kanya nawala, hindi pa nag-eelection naglipatan na,” pahayag ni Go.
Ayon kay Go, sa kabila ng kaganapan, isang masayang Cojuangco ang kanyang nakausap sa telepono.
“Nagkamustahan kami, okey namans iya. Pero sama ng loob niya sa mga opisyal na naglaglag sa kanya. I shared his sentiment, because during the time na I was declared ‘persona non grata’ sa POC, walang tumayo para dumepensa sa akin.
‘Sabi ko Cong. Pareho na tayo ng kapalaran,” pabiro ni Go.
Tunay na nawala na ang mga kaalyado ni Cojuangco.
Sa report ni Manila Bulletin reporter Nick Giongco, nagpatawag ng ‘get-together’ kahapon ang equestrian chief sa kanyang tahanan sa Acasia St. sa Forbes Park sa Makati City.
Ang dati’y siksikan na lamesa ay naging mistulang ‘billiard table’ kung saan tanging sina Julian Camacho ng wushu at Robert Mananquil ng billiards ang karamay ng 83-anyos isang araw matapos ang kabiguan sa POC election kay Ricky Vargas ng boxing.
“Everyone I called asking that they drop by the house of Cong. Peping to visit him were all busy and tied up,” pahayag ng isa sa dalawang opisyal.
Ang mga dating masugid na bisita ni Cojuangco noon na tila bulang naglaho ay sina Joana Go ng canoeing, Prospero Pichay ng chess, Steve Hontiveros ng bowling at Joey Romasanta ng karate at volleyball, na napabalitang nasa abroad.
“I want to know what my part will be in the POC,” pahayag ni Cojuangco.
Ngunit, nananatiling buo ang kanyang opinyon sa magiging aksiyon ng International Olympic Committee (IOC) sa naganap na election na batay sa ipinag-utos ng Pasig Regional Trial Court.
“I want to know how far the courts can go,” sambit ni Cojuangco.
“If they have that power, I don’t know how do we operate (in the future). If the courts have that power, we are finished,” aniya.
“What if there’s a team that is going to compete abroad and a court order rules that one guy is not deserving and that another guy should take his or her place?”
Sa panayam ni dating Senator Freddie Webb sa kanyang radio program sa DZMM, sinabi ni Vargas na iniabot niya ang kamay kay Cojuangco upang masimulan ang kagalingan at pagkakaisa sa Olympic body.
Sa kabila nito, iginiit niyang karapatan ng sambayanan, higit ng mga atletang Pinoy na malaman ang katotohanan hingil sa mga isyu na kinasangkutan ng POC at ilang national sports association.
“Kailangan din nating linisin ang POC. Kung may pagkukulang, tignan natin at kung ay kung sino ang may pagkukulang, tukuyin natin,” sambit ni Vargas.
Kasunod nito, hiniling ni Go kay Vargas na busisiin din ang mga biyahe ng mga opisyal ng POC Executives na nagpasasa sa pondo ng Olympic body at ng pamahalaan .