Ni Freddie C. Velez

STA MARIA, Bulacan – Limang katao ang nasugatan nang sumabog ang tangke ng tubig ng isang pagawaan ng noodles sa Barangay Catmon, Sta. Maria, Bulacan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon kay Supt. Carl Omar Fiel, hepe ng Sta. Maria Police, ang mga sugatan na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ay dinala sa isang ospital.

Kuwento ni Fiel, inaayos ang naturang tangke nang bigla itong sumabog.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

“Mayroon umanong nagwe-welding at nagpipintura sa tangke ng tubig nang bigla itong sumabog dakong 3:00 ng hapon,” aniya.

Bumulwak sa kalapit na palayan ang lamang tubig ng tangke, na tinatayaang aabot sa 20,000 litro, o katumbas ng apat na truck ng bumbero.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang sanhi ng pagsabog na posible umanong gumuho, dahil kinukumpuni ito, o maaaring sanhi ng pagwe-welding, o kaya ay sa pressure ng tubig sa tangke.

Matatandaang bumigay din ang tangke ng tubig ng Water District Office ng San Jose Del Monte City noong Oktubre 2017, na ikinasawi ng apat na tao, at dalawa sa mga ito ay isang taong gulang lang.