Ni GENALYN D. KABILING

Walang lusot kahit ang mga “tax collector” at field medic ng New People’s Army (NPA) sa pabuyang iniaalok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sibilyang makapapatay ng mga rebelde.

Sinabi ng Pangulo nitong Huwebes na magbibigay siya ng P50,000 pabuya sa bawat NPA squad leader na mapapatay, habang P25,000 naman sa bawat miyembro ng kilusan.

“Wala nang tanong-tanong. Lagay n’yo lang ‘yung ulo sa timba, lagyan ng yelo, baka mangamoy ‘yan. Masyadong malayo ang opisina ko,” sinabi ng Pangulo sa pagbisita niya sa isang kampo-militar sa Iloilo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“The tax collectors, the women, medic personnel, you’re also included. Don’t argue about the weapons. You’re the ones collecting anyway,” dagdag ni Duterte.

Paliwanag ni Duterte, ang iniaalok niyang pabuya ang pantapat niya sa utos ng founding chairman ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF)-NPA sa mga rebelde na pumatay ng isang sundalo kada araw.

Sa halip na mamatay, hinimok ng Pangulo ang mga rebelde na sumuko na lang sa pamahalaan at nangakong tutulungan ang mga ito sa pagbabagong-buhay, gaya ng pagkakaloob ng kabuhayan sa mga ito.

Binanggit pa niya na ang ikalawang batch ng mga sumukong rebelde na hinarap niya sa Malacañang ay pagbabakasyunin niya nang libre sa Hong Kong.

“You know I’m addressing myself again to all of you NPAs. You will never even capture a barangay. Stop your dreams. Just surrender, I will pay you,” aniya.

Bukod sa oportunidad na sumapi sa militar, sinabi ng Pangulo na maaari ring mag-enrol ang mga dating rebelde sa skills training program para magkaroon ng pagkakakitaan.

“Enroll at TESDA (Technical Education and Skills Development Authority). Learn the skills today because we don’t have enough workers,” anang Pangulo.

Una nang inalok ng Pangulo ang mga miyembro ng tribung Lumad ng P20,000 pabuya sa bawat miyembro ng NPA na mapapatay ng mga ito.

Binanggit din kamakailan ni Duterte na posible niyang itaas ang pabuya sa hanggang P100,000 upang makatipid sa gastusin ng pamahalaan laban sa NPA, dahil mas makakatipid umano ang pamamahagi ng pabuya kaysa maglunsad ng mga operasyon laban sa mga rebelde.

Ilan namang human rights groups ang nag-akusa na nag-uudyok ang Pangulo ng war crimes sa pag-aalok ng pabuya para sa mga makakapatay ng rebelde.