Ni Ric Valmonte
KAMAKAILAN, isinara ng mga sundalo ng Presidential Security Group (PSG) ang pinto ng Malacañang sa mamamahayag ng news website na Rappler upang hindi na ito makakalap ng mga balita at impormasyon.
Ipinasilip sa atin, lalo na sa mga hindi pa isinisilang o wala pang malay nang ideklara ni dating Pangulong Marcos, ang martial law. Ang ginawa ng PSG sa Rappler reporter ay pareho ng ginawa ni Marcos sa lahat ng media. Ipinasara ang lahat ng media at pinagkaitan ang mamamayan ng mga impromasyong karapatan nilang malaman. Pinagkaitan ng Malacañang ang mga sumusubaybay sa Rappler ng mga impormasyong nagbubuhat dito.
Ang katwiran ng Pangulo kaya hindi niya pinapapasok sa Malacañang ang Rappler ay dahil daw pag-aari ito ng mga dayuhan. Pinagbabatayan niya ang desisyon ng Securities and Exchange Commission na kinansela ang certificate of registration ng Rappler dahil pag-aari ito ng mga banyaga. Eh, hindi pa naman tapos ang kaso at iniapela pa ito ng Rappler sa Court of Appeals.
Pero ang katwirang inihayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay dahil nagkakalat daw ang Rappler ng fake news. Fake news ang tawag ng administrasyon sa ibinalita ng Rappler na nakialam si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa pagpili ng combat management system para sa frigate acquisition program ng Navy.
Naging paksa tuloy ito ng imbestigasyon ng Senado. Pero pinaninindigan ng Rappler ang ibinalita nito tungkol dito.
Kaya lang nga minasama ito ng Palasyo.
Ganito ito ipinaliwanag ni Roque: “Kung ang bisita mo ay hindi ka iginagalang, masisisi ka ba kung ito ay palayasin mo sa iyong tahanan? Ganito ang pakiramdam ng Pangulo”.
Ang Palasyo ay opisyal na tahanan ng pinuno ng bansa na ibinigay sa kanya ng taumbayan. Wala kang karapatang isara ito at mamimili ka lang ng papapasukin mo para mangalap ng impormasyon. Karapatan kasi ng taumbayan na malaman kung paano mo pinatatakbo ang kanilang gobyerno at sa pamamagitan ng karapatan ng mamamahayag ay nagagawa nila ito. Kung nakakasakit ang ibinabalita ay walang ibang dapat sisihin kundi kayong nasa Palasyo, dahil kayo ang pinagkukunan at gumagawa ng balita.
Isa pa, sabi ng isang desisyon ng Korte Suprema na ang mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat maging balat-sibuyas. Kasi naman, pinagkalooban kayo ng mamamayan ng kanilang kapangyarihan bilang kanilang katulong para pagsilbihan ang kanilang kapakanan.
Maaaring nakakasakit ang naibalita tungkol sa Pangulo at maaaring hindi rin ito totoo, pero wala siyang dapat ikagalit kung malinis ang kanyang konsensiya. Naibibigay niya naman ang kanyang panig.
Sa usaping combat program ng Navy, naipaliwanag naman ni Bong Go sa Senado na wala siyang kinalaman dito. Bahala na ang mamamayan na manimbang at maghusga. Tutal, ito naman ang layunin ng kalayaan sa pamamahayag, ang lumabas ang lahat ng impormasyon at opinyon sa “market of ideas”, at bahala na ang taumbayan na manimbang at manghusga. Wala makahihigit sa may pagpipilian kaysa wala.
Hindi maka-demokratiko ang iisa lang ang opinyon at balita na lumalabas. Higit ngang maka-demokratiko kung ang lumalabas ay nakasasakit at salungat sa gustong marinig ng mga opisyal. Mas naaayon sa demokrasya kung hahayaang abusuhin ang karapatan ng mamamahayag kaysa ito ay sagkahan, dahil ang gobyerno ay sa—at para sa—taumbayan.