Ni Bert de Guzman
PAPATAWAN ng matinding parusa ang mga pasimuno sa game-fixing.
Lumikha kahapon ang House committee on youth and sports development sa ilalim ni Rep. Conrado Estrella III ng isang sub-committee na magsasapinal ng panukala hinggil sa pagpapataw ng matinding kaparusahan sa game-fixing sa Philippine sports.
Ang sub-committee ay binubuo nina Rep. Chiqui Roa-Puno bilang chairperson at Reps. Rogelio Pacquiao, Allen Jesse Mangaoang, Frederick Siao, Dennis Laogan at Kristal Bagatsing bilang mga miyembro.
Aayusin at isasapinal ng sub-committee ang House Bill 5032 o ang “An Act Defining the Crime of Game-Fixing and Providing Penalties Therefor”.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mapapatunayang nagkasala sa game-fixing ay papatawan ng anim na taong pagkabilanggo hanggang 12 taon at multang P1 milyon hanggang P5 milyon.
May plano ring patawan ng perpetual disqualification sa paglahok sa amateur at professional sports sa bansa ang nagkasala.