Ni Mary Ann Santiago

Iginiit kahapon ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na pagtatraydor sa family morals ang pagsusulong ng Kongreso na gawing legal ang diborsiyo sa bansa.

Ikinatwiran ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, na ang diborsiyo ay “anti-marriage” at “anti-family”, kaya hindi ito dapat na maisabatas.

“By passing this measure, Congress betrays its mandate to protect our country’s legally and morally declared social and inviolable institutions!” bahagi ng pahayag ni Secillano sa kanyang Facebook account.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa panig naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, sinabi niyang dismayado siya sa pagkakapasa ng diborsiyo sa committee level sa Kamara.

Nanawagan din siya sa mga mananampalataya na mahigpit itong tutulan dahil hindi maganda ang dulot nito sa isang pamilya.

Naipasa na kamakailan ng House committee on population and family relations ang panukalang nagsusulong na gawing legal ang diborsiyo sa bansa.

Kumpiyansa naman ang mga mambabatas na nagsusulong sa panukala na maipapasa nila ito sa isasagawang pagtalakay sa usapin sa plenaryo, bago ang Lenten break sa Marso.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang mga mag-asawa ay maaaring magdiborsyo sa ilang limitadong batayan, sa mas mura at mas madaling paraan, kumpara sa annulment.