SINUSUBAYBAYAN natin at ng iba pang bahagi ng mundo ang naiulat na maramihang pagpatay sa Florida High School kung saan binaril at napatay ng isang ‘tila nababaliw na dating estudyante ang 17 katao. Dahil dito, nagtipun-tipon ang mga estudyante ng tinukoy na paaralan upang hilingin na bigyan ng ngipin ang batas sa pagdadala ng baril, ngunit iginiit ni President Donald Trump na hindi problema ang mga baril, at sa halip ay isinisi ito sa kalusugang sikolohikal.
Ang kaluwagan sa pagdadala ng baril sa Amerika ay hindi katulad ng sa iba pang dako ng mundo, kabilang ang ating bansa, ang Pilipinas.
Sa ating bansa, binibigyan lamang ng lisensiya ng Philippine National Police (PNP) ang mga aplikante kapag nakapasa ito sa mahigpit na requirements, kabilang na ang psychological at drug tests. Maaari lamang mabigyan ng lisensiya sa pagbibitbit ng baril, hindi ng riple, semi-automatic o automatic firearm na kayang magpakawala ng daan-daang bala sa loob lamang ng ilang saglit.
Ang isang lisensiya ay nagbibigay lamang ng karapatan na magtago ng baril sa loob ng bahay at kapag dadalhin ito sa labas ay kinakailangan munang kumuha ng permit.
Ang mga alituntuning gaya nito, ay maaaring hindi mapigilan ang kaisipan o pagnanais na mamaril sa publiko, ngunit kung isang baril lamang ang gamit, maaari siyang makapatay ng isa o dalawang tao, bago siya maubusan ng bala o di kaya ay tumigil – hindi gaya ng paggamit ng isa o dalawang automatic rifles.
Ang batang namaril sa Florida high school nitong Pebrero 15 ay may dalang AR-15 semi-automatic rifle na kargado ng maraming magazine. Nagsimula siyang mamaril ng mga estudyante sa labas ng paaralan at nagpatuloy ang pamamaril sa loob, na tumagal ng mahigit isang oras, at nauwi sa pagkamatay ng 14 na estudyante at tatlong guro, bago siya tumigil at nagtangkang tumakas.
Ang pamamaril sa Parkland ay ikawalo lamang sa listahan ng maramihang pamamaril sa mga eskuwelahan sa Amerika. Ang pinakamalagim ay nangyari sa Las Vegas, Nevada, noong Oktubre 1, 2017—apat na buwan pa lamang ang nakalipas—kung saan 58 nakikisaya sa isang open-air concert ang isa-isang pinatay ng nag-iisang armado mula sa bintana ng kinalulugaran niyang hotel malapit sa lugar. Sinundan ito ng pagkasawi ng 49 sa isang nightclub sa Orlando, Florida noong 2016; 32 sa Virginia Tech sa Blacksburg, Virginia, noong 2007; 26 sa Sutherland Springs sa Texas, noong nakaraang taon din; 26 sa isang paaralang elementarya sa Newtown, Connecticut, noong 2012; 23 sa Killeen, Texas, noong 1991; at 21 sa San Ysidro, California, taong 1984.
Hinarap ni President Trump ang mga nagpoprotestang estudyante na iginiit ang pagkakaroon ng mga batas na magbabawal sa pagbili ng mga matataas na kalibre ng baril sa mga taong tulad ng suspek sa Florida. Subalit tanging ban sa “bump stocks” ang iminungkahi ng presidente, na maaaring gawing semi-automatic ang isang baril na automatic. Iminungkahi rin niya ang pag-aarmas sa mga guro.
Hindi natin inaasahang aamyendahan ng US Congress ang firearms law sa lalong madaling panahon. Subalit maaasahan natin na sa loob ng apat na buwan mula ngayon ay magkakaroon na naman ng panibagong mass shooting na tulad ng nangyari sa Florida.