Ni Dave M. Veridiano, E.E.

ANG madalas na iniiwasan at tinatanggihan na assignment ng mga kaibigan kong OLDIES at RETIRED na tiktik ay ang pag monitor at pagdokumento sa mga illegal na gawain na kinasasawsawan ng ilang opisyal ng pamahalaan…’yun daw ay hindi sa namimili sila ng trabaho kundi para na rin sa ikatatahimik ng kanilang pamumuhay.

Sa halip kasi na komendasyon at mga papuri ang kanilang anihin sa matagumpay na paniniktik at pag-iimbestiga, sa dakong huli, ang mga masisipag na operatiba pa ang lumalabas na masama at napaparusahan. Nasisibak sila sa trabaho at naipatatapon sa malayong lugar upang ‘di na muling masilip ang marangyang pamumuhay ng mga minonitor nilang tiwaling mga opisyal!

Napakamahalaga kasi sa mga pagkilos at policy pronouncement ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na malaman niya ang lahat ng anggulo ng isyung tatalakayin niya, at ang makapagbibigay lamang sa kanya nito ay ang mga kagaya ng beteranong titktik na ikinukuwento ko na ang prinsipyo ay – “Masagasaan na kung sino man ang masasagasaan, tamaan na kung sino man ang tatamaan, ng mga negatibong impormasyong kanilang tinatrabaho, na kailangang malaman ng Pangulo!”

Sa gitna ng balitaktakan namin hinggil sa paksang ito, biglang sumingit si “Bunso”, ang pinakabatang tiktik sa grupo na ngayon ay aktibo pa rin sa serbisyo, nguni’t kakikitaan mo na agad ng pagkabagot sa trabaho. Ang banat niya:

“Grabe ngayon. Anong anting-anting meron ang mga taong ito? Paano sila nakalulusot at nakadidikit kay Code One (Digong), gayung noong nakaraang mga administrasyon, ay namayagpag na sila sa pangungurakot at anomalya, at nakalubog pa sa mga kaso. Tapos ngayon, todo ang pamamayagpag nila at kung maka-porma, ang titindi!”

Sabay-sabay ang reaksyon namin – “WOW – ang lalim ng hugot mo ah!” kasunod ang tawanan at magkakasunod na higop ng aming “bottomless coffee” na lumamig na.

Ang tinutukoy pala niya, ay ang minomonitor niyang mga negosyante at mga kaibigan nitong opisyales ng administrasyong ni Digong, na hinihinalang responsable sa nagaganap na rice hoarding at smuggling – sa gitna ng sinasabing problema ngayon na kakapusan ng bigas sa buong bansa.

Kahit hindi pa niya binabanggit ang mga pangalan ng mga negosyante at opisyal na ito, hindi nakaligtas sa DATA BANK sa aking utak ang mismong operasyong ito na kanyang tinutukoy na ang natatandaan kong nagtrabaho, noong nakaraang administrasyon, ay ang nirerespeto kong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP).

Isang malawakang raid ang isinagawa ng CIDG sa mga bodega ng negosyanteng ito sa Malolos, Bulacan, kung saan natuklasan ng mga operatiba ang naka-hoard na daan-libong sako ng bigas, at ang pinakamatindi rito – hinahaluan ng animal feeds ang sako ng bigas na ibinebenta sa publiko.

Ito ang nahalukay kong bahagi ng statement na ipinalabas sa Camp Crame noon matapos ang naturang operasyon: “The broken rice residue intended for animal feeds came from Vietnam and was being mixed with the Blue Diamond rice imported from Thailand, and then repacked and being sold as ‘Golden Bee’ premium Sinandomeng rice!”

Ang kumpaniyang ito ay pag-aari ng isang nagngangalang “Soliman” na kasama sa mga dapat nasampahan ng kaso. Ayon naman kay “Bunso: “Namamayagpag ito ngayon sa loob at labas ng Palasyo ng Malacañang, at napaka-impluwensiya sa kasalukuyang administrasyon!”

Pinatunayan niya ito sa amin, sa pamamagitan ng mga larawang ipinakita niya, na ang kontrobersyal na negosyanteng si “Soliman” ay nasa loob ng Malacañang, kasama si Pangulong Duterte, at napapaligiran ng mga opisyal na sinasabing mga AMIGO niya sa administrasyong ito…JUICE COLORED ! ! !

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]