Ni Mina Navarro

Bagamat hindi pa natutukoy ng gobyerno ang kinaroroonan ng mag-asawang Lebanese at Syrian na sinasabing pumatay at nagsilid sa freezer sa overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis sa Kuwait, natunton na ng mga awtoridad ang recruiter ng domestic helper sa Iloilo.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na natukoy na ang recruitment agency na nagpadala kay Demafelis sa Kuwait.

Nakikipagtulungan na ang Pilipinas sa Interpol upang matukoy ang kinaroroonan ng mga employer ni Demafelis, na tumakas sa Kuwait matapos ang pagpatay, ayon kay Bello.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nagpahayag na rin ng kahandaan ang gobyerno ng Kuwait na makipagtulungan sa imbestigasyon, at kasabay nito ay lumagda sa kasunduan para sa proteksiyon ng mga OFW sa nasabing Gulf state, ayon pa rin sa kalihim.

Sinabi ni Bello na itinakda sa Miyerkules, Pebrero 28, ang negosasyon ng mga opisyal ng ating pamahalaan sa mga counterpart nito sa Kuwait para sa Memorandum of Understanding (MOU)—na inaasahang lalagdaan sa unang linggo ng Marso.

Ang MOU, aniya, ay precondition para sa proteksiyon ng mga OFW upang bawiin ng ating gobyerno ang ipinatutupad na total deployment ban sa Kuwait, kaugnay ng kaso ni Demafelis.