Ni Jeffrey G. Damicog

Siniguro ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi nalabag ang press freedom nang iutos na harangin ang Rappler reporter na si Pia Ranada sa pagpasok nito sa Malacañang kamakailan.

“No, that was not a violation of such right,” giit ni Aguirre.

Martes nang hinarang si Ranada ng isa sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at binawalang mag-cover sa Palasyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kumabig naman sa usapin si Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabing ipinasyang huwag papasukin sa Palasyo si Ranada dahil sa umano’y “fake news” na inilabas ng Rappler kaugnay ng sinasabing pakikialam ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa frigate deal ng Department of National Defense.

“Freedom of the press is not absolute. People also have the right to be protected from fake news,” depensa ni Aguirre.

Dapat ding aniyang masunod ng bawat media organization ang accreditation requirements ng mga ahensiya ng gobyernong saklaw ng beat ng mga ito.

Sa unang direktiba ay nilimitahan si Ranada sa New Executive Building sa Malacañang compound, kung saan naroon ang press office, pero kalaunan ay pinagbawalan na ang mamamahayag sa alinmang panig ng Palasyo.