Ni PNA

ANIMNAPU’T limang senior citizen ang nakatanggap ng P1.95 milyon na pensiyon mula sa pamahalaang lungsod ng Bacolod City sa Negros Occidental kasabay ng turnover rites nitong Lunes, na pinangunahan ng Department of Social Services and Development (DSSD) ng siyudad.

Pinangunahan nina Mayor Evelio Leonardia, Vice Mayor El Cid Familiaran, at DSSD Head Pacita Tero ang pamamahagi ng mga benepisyo sa mga senior citizen mula sa iba’t ibang barangay.

Nakatanggap ang bawat indibiduwal ng P3,000, o P500 kada buwan, sa loob ng anim na buwan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang kinakailangang edad ng mga benepisyaryo ay ibinaba sa 60, at nabigyan ang mga ito ng karagdagang pondo, alinsunod sa Republic Act No. 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Noon, mga senior citizen na edad 77 pataas lamang ang nakatatanggap ng pensiyon, ngunit kalaunan ay ibinaba ang edad na ito sa 65, at ngayon nga ay sa 60 taong gulang.

Sasaklawin din ng programa ang matatandang may sakit, mahina na at may kapansanan, walang regular na kita, walang tulong pinansiyal mula sa sinumang miyembro ng pamilya, at walang pensiyon mula sa Social Security System, Government Service Insurance System, o Philippine Veterans Affairs Office.

Samantala, ibinida rin sa lungsod ang kanilang selebrasyon kaugnay ng paglago ng kanilang industriya sa radyo.

Kasalukuyang ginaganap ang isang-linggong exhibit sa SM City Bacolod, upang ipagdiwang ang World Radio Day, na tampok ang kasaysayan at pag-unlad ng industriya ng radyo sa siyudad.

Ang selebrasyon ng 4th World Radio Day, na may temang “Bacolod City @ 80: Celebrating the Power of Radio”, ay nagsimula nitong Lunes na simulan sa motorcade, at nilahukan ng 18 AM at FM radio station.

Inihayag ni Danny Dangcalan, acting head ng City Public Information Office, at overall chairman ng aktibidad, na tampok sa tema ng selebrasyon ang hindi matatawarang ambag ng radyo sa pag-unlad ng Bacolod sa mga nakalipas na taon, bukod pa sa ipinagdiriwang ngayong 2019 ang ika-80 taon ng industriya ng radyo sa lungsod.