Ni AARON B. RECUENCO
Nagkagutay-gutay ang isang 37-anyos na mangingisda matapos na atakehin ng buwaya nang matagpuan ng pulisya sa Balabac, Palawan nitong Miyerkules ng gabi.
Inihayag ni Chief Insp. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B Mimaropa (Mindoro Oriental at Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan), halos hindi na makilala ang gutay-gutay na bangkay ni Rebete Balakbak Ladja nang madiskubre ito sa bahagi ng bakawan sa Sitio Tokanigalo, Barangay Catagupan sa Balabac.
Kamakailan, humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ni Ladja dahil ilang araw na itong nawawala simula nang magpaalam na mangunguha ng alimasag, nitong Lunes ng umaga.
Sa gitna ng paghahanap, nadiskubre ang gutay-gutay na bangkay nito sa bakawan, na kilalang pinamumugaran ng mga buwaya.
Sinabi ni Chief Insp. Tolentinto na batay sa hitsura ng bangkay ni Ladja ay malaki ang posibilidad na inatake ito ng buwaya.
“Naniniwala ‘yung pamilya na pinatay ng buwaya [ang biktima]. Nawawala pa nga ‘yung kalahati ng katawan niya,” sabi ni Tolentino.
Ilang insidente na ng pag-atake ng buwaya ang naiulat sa lugar, kabilang ang pagkasawi ng isang batang babae na ang paglapa umano ng buwaya ay nasaksihan ng mismong kapatid ng paslit.