HALOS magkakapareho ang komento ng mga nanood sa premiere night ng pelikulang The Significant Other nitong Lunes sa Trinoma Cinema 2: Magagaling sina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Erich Gonzales at magaganda ng dialogs nila.
Sa kuwento, kilalang ramp model si Maxene (Lovi) pero limang taong nawala sa eksena simula na maging mag-asawa sila ni Tom at sa Amerika sila tumira kasama ang anak. Muli silang bumalik ng Pilipinas para balikan ang naiwang karera.
Mahusay na dermatologist at cosmetic surgeon si Tom na nagkagusto kay Nicole (Erich) nang tanggalan niya ng birthmark.
Abala kasi ang asawang si Maxene sa pagbabalik sa modelling kaya nawalan ng oras sa asawa na naibigay naman ni Nicole.
Sa probinsiya lumaki si Nicole na idol si Maxene kaya halos lahat ng pictorial nito ay ginagaya ng una, at nangarap na balang araw ay sisikat din siya. Kaya halos lahat ng beauty contests sa probinsiya ay sinasalihan niya.
Nagkakilala si Nicole at si Morri (RS Francisco) na caster sa ad agency na konektado si Maxene at binigyan niya ng calling card.
Sa kagustuhang matupad ang pangarap na maging modelo ay lumuwas ng Maynila si Nicole at pinuntahan si Morri at ipinakilala sa boss nitong si Bernardo Bernardo.
Hindi alam si Nicole na si Tom ay asawa pala ni Maxene na naging kaibigan na niya kaya nang magkaalaman ay sampalan to death ang nangyari, sa mismong araw pa ng fashion show nila ni Avel Bacudio (Ricci Chan).
Gustung-gusto namin ang class na tarayan ng dalawang bidang babae, lalo na nang sabihan sila ni Morri na, “O, mag-usap kayo, ha, huwag ninyong sirain ang mga mukha n’yo dahil nakakontrata pa ‘yan.”
Maraming maiinit na love scenes sina Erich at Tom, mas marami pa kaysa kay Lovie, kaya marami ang nagulat na napapayag ang bida ng The Blood Sisters na gawin ito.
Maganda ang buong pelikula at maayos ang pagkalatag ng kuwento na sinulat ni Eric Ramos at idinirehe ni Joel Lamangan for Cineko Productions (distributed ng Star Cinema).
Graded B ito sa Cinema Evaluation Board at R-13 naman sa MTRCB at palabas ngayon sa lahat ng mga sinehan natiowide.