Ni Fer Taboy

Apat na katao na sinasabing benepisyaryo ng isang hacienda sa Siaton, Negros Oriental, ang pinagbabaril at napatay ng mga tauhan ng umano’y umaangkin sa nasabing lupain, nitong Miyerkules.

Sinabi ng Siaton Municipal Police Station (SMPS) na kabilang sa mga napatay sina Jessebel Abayle, 34; Carmelina Amantillo, 57; Consolacion Cadevida, 66, pawang ng Barangay Napacao, Siaton; at Felimon Molero, 66 anyos.

Sugatan naman ang isa pang kasamahan ng mga ito na si Lito de Jesus, ng Bgy. Mantiquil, Siaton.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa pag-iimbestiga ni SPO3 Julius Bocico, namamahinga ang mga biktima sa naturang lupain nang sugurin sila ng limang armadong security guard at pinagbabaril umano.

Naaresto rin kaagad ang mga suspek na sina Roswil Antanoy, 29; Edilberto Pancho, 41; Reynante Ruben, 36; Nelcher Abordo, 24, at Jason Ramos, sinasabing mga tauhan ng caretaker ng hacienda na si Joel Ramos.

Paliwanag ng pulisya, posibleng hindi nagkaintindihan sa pinagtatalunang lupain ang motibo sa pamamaslang.

Nadiskubre ng pulisya na kasama ang mga biktima sa naghain ng petisyon sa pamahalaan upang igiit na naibigay na sa kanilang lolo ang lupain sa pamamagitan ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs).

Ang nasabing usapin ay nakabimbin pa umano sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Narekober sa crime scene ang apat na shotgun na ginamit sa krimen.