Ni Mary Ann Santiago
Kumpiyansa ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na unti-unti nang bubuti ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3sa mga susunod na araw.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways John Timothy Batan, mapapalitan na ang mga luma at sirang piyesa ng mga tren dahil dumating na sa bansa ang mga biniling bagong spare parts.
Binanggit pa ni Batan na sakaling wala nang masirang tren ngayong buwan, maaari nang ibalik sa sampu ang bumibiyaheng tren ng MRT araw-araw.
Sapat rin, aniya, ang spare parts na binili para ayusin ang sampung tren sa katapusan ng buwan.
Inaasahan naman ni Batan na dadami sa 15 tren ang bibiyahe sa mga susunod na araw, lalo na kapag sumailalim na sa taunang maintenance shutdown ang MRT sa Holy Week, sa katapusan ng Marso.
Nabatid na kahapon ay pitong tren lamang ng MRT ang bumiyahe at isa pa sa mga ito ang nagkaaberya, dakong 8:30 ng umaga, sa northbound ng Guadalupe station, dahil sa electrical failure ng motor, diagnostic panel failure at depektibong air-con.
Dahil dito, muling pinababa ng pamunuan ng MRT ang nasa 900 pasahero ng nasirang tren.
Ang panibagong aberya sa biyahe ng MRT kahapon ay ikatlong sunod na ngayong linggo.