Ni Aris Ilagan
IKINAGUGULAT n’yo pa ba ang biglang pagdami ng motorsiklo sa ating bansa?
Sa inyong pagmamadali sa paggising sa umaga upang makarating sa tamang oras sa inyong opisina, daan-daang motorsiklo ang bubulaga sa inyo sa kalsada.
Halos ang mga two-wheeler na ang naghaharing uri sa bawat sulok.
Kung hindi iisang rider ang nakasakay, andyan din ang magkakaangkas na mag-asawa, mag-ama, magbarkada o magkaibigan.
Dumarami na rin ang mga kababaihan na naglakas loob at sumasakay ng motorsiklo sa kanilang pagbiyahe sa araw-araw.
Ayon sa Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA), umabot sa 1,319,084 motorcycle unit ang naibenta ng kanilang grupo noong 2017.
Ang MDPPA ay kinabibilangan ng ‘Big 4’ Japanese motorcycle manufacturer – Honda, Yamaha, Suzuki at Kawasaki – at Kymco, na nag-iisang Taiwanese brand.
Ito ay katumbas ng 16 porsiyento na paglobo ng sales volume kumpara sa 1,140,338 noong 2016.
Pinakamalaking bulto sa total sales volume ay ang tinatawag na ‘business unit’ kung saan ang mga ito’y ginagamit karaniwan sa negosyo tulad ng tricycle at delivery service.
Malaki rin ang naging demand sa mga business unit motorcycle nang maging patok ang habal-habal motorcycle taxi sa mga commercial district tulad ng Bonifacio Global City sa Taguig at Makati Business Center.
Bagamat ipinagbabawal ito ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), naglipana pa rin ang mga habal-habal dahil kapos pa rin ang mga pampublikong sasakyan sa maraming lugar sa bansa.
Ang pangalawang pinakamalaking benta sa motorsiklo ay ang mga moped na umabot sa 430,465 unit noong 2017. Mas kilala bilang underbone, maituturing na praktikal at madaling imintena ang mga moped.
Marami rin ang nagsasabing matipid ito sa gasolina na karamihan ay kumokonsumo lang ng 50 hanggang 60 kilometro kada litro. Kaya ang isang full tank ng underbone ay halos isang linggo ang itinatagal bago maubos.
Subukan ninyong isuma-total at magugulat kayo sa malaking halaga na inyong matitipid sa paggamit ng underbone imbes na kotse o sumakay ng taxi.
Ang pangatlong patok na motorsiklo ay ang tinaguriang ‘AT’ o automatic transmission.
Bukod sa praktikal na gamitin, ang AT o mas kilala bilang scooter ay kumbinyente at komportableng sakyan.
Wala nang ‘kambiyo’ at clutch kaya’t isang piga lang ng throttle ay umaarangkada na.
Umabot sa 389,168 scooter unit ang naibenta ng MDPPA nitong nakaraang taon.
Hindi pa kasama sa sales report ng MDPPA ang mga Chinese and Indian brand na namamayagpag din ngayon.
O ano? Bibili ka na rin ba ng motorsiklo?