Ni Nitz Miralles
GRABE ang pamba-bash ng ilang AlDub fans kay Juancho Trivino dahil lang nag-dinner sila ni Maine Mendoza noong Valentine’s Day at kahit may kasama sila, may ilan pa ring nagalit o nagselos.
Bago kasi ang Valentine dinner, lumalabas na ang dalawa at dumalo pa sa premiere night ng Meet Me In St. Gallen, at sa birthday ng boyfriend ni Sheena Halili na kaibigan din nina Maine at Juancho, magkasama rin ang dalawa. Parang ayaw tanggapin ng mga selosang fans na friendly date lang ‘pag lumalabas sila kasama si Sheena.
Pati si Sheena nadadamay, bad influence raw ito kay Maine at tulay nina Maine at Juancho. Sumasakay din daw ito sa kasikatan ni Maine dahil walang career at nagka-show lang dahil kay Maine. Alam ito ni Sheena at hindi na lang pinapansin.
Pero nakakabilib si Juancho na hindi pumapatol sa mga pamba-bash sa kanya na nababasa ng mga bumibisita sa IG nito.
Lahat na yata ng masamang salita ay ipinukol na sa aktor, keso manggagamit, sumasakay sa kasikatan ni Maine, inggit kay Alden, ginagamit si Maine, at kung anu-ano pa.
Pati nga ang bagong soap ni Juancho sa GMA-7 na Inday Will Always Love You na pagtatambalan nina Barbie Forteza at Derrick Monastario, damay sa galit ng ilang Aldub fans. Hindi pa nga airing, nagbanta na ang grupo ng mga selosang fans na iboboykot nila ang show at hindi panonoorin.
Ang latest, nabaling kay Rams David ang galit ng mga selosang fans dahil sa interview nito at sinabing “single” si Maine at sinabi ring good friends lang sina Maine at Alden Richards. Marami ring nagalit kay Rams sa sinabing may mga nagpaparamdam kay Maine.
Pinapalabas daw ni Rams na malandi si Maine, samantalang ang linaw ng sinabi ni Rams na “nagpaparamdam” at wala itong binanggit na malandi ang dalaga.