Ni PNA
NAGHAHANDA na ang industriya ng turismo sa Davao Region para sa pinakamalawak at pinakamatagal na kapistahan para sa mga turista sa rehiyon ngayong tag-init.
Ang kapistahan ay may temang “Longest and Widest”, ang tourism summer campaign na iprinisinta ni Benjie Lizada, pangulo ng Visit Davao Summer Festival (VDSF) 2018, sa Department of Tourism (DoT).
Tatagal ang kampanyang ito ng sampung linggo simula Abril 15 hanggang Hunyo 30, sa sampung event na hinati-hati sa sports at adventures na mayroong 12 aktibidad; pangkultura at sining na mayroong 12 aktibidad; at party, pagsasaya, at pagliliwaliw, na mayroong pitong aktibidad.
Ang VDFS ay idaraos sa buong rehiyon, na inorganisa ng pribadong sektor katuwang ang iba’t ibang lokal na pamahalaan, at nasa ikalimang taon na ngayon.
“The festival is bringing summer experience to a whole new level not only in Davao City but to the other parts of Davao Region, as well,” lahad ni Lizada.
Sinabi niya na makapipili ang mga turista sa mga nakaeengganyong diskuwento sa mga resort at isla, hotel at restaurant, shopping mall, at spa wellness center.
Kabilang sa mga sports event ang National Skim Boarding Competition at ang National Frisbee Invitational Tournament sa Mati City, habang ang paligsahan sa paglalangoy at trekking ay gaganapin sa pinakabagong destinasyon sa rehiyon, ang Kopiat Island sa Pindasan, Mabini sa Compostela Valley.
Gaganapin din sa Compostela Valley sang Regional Visit Davao Climb Caravan, sa pamamagitan ng Bubayi Climb, ang pambabaeng edisyon ng pag-akyat sa Mt. Amakan, na magtatampok sa Duyan Fest sa Lake Leonard, Small Leyte sa Maco.
Magtatapos ang caravan sa Mars Attack National Climb Congress na magpapakita ng ganda ng Mt. Candalaga. Isa naman ang Kopiat Island sa mga piling scuba diving destination para sa region-wide Dive Fest.
Makikipagtulungan din ang VDFS sa Mati City sa Dragon Boat Competition, sa kasagsagan ng Pujada Bay Festival sa Hunyo 2018.
Ang Island Garden City ng Samal ang magiging co-host ng Visit Davao Samal Marathon, ng Air Asia Durian Man Cross Channel Triathlon, ng taunang Sand Sculpting Competition, Bigiw Regatta-Sail and Speed Competition, at Madayaw Hugyaw Sayaw.
Mag-oorganisa rin ang pamahalaang bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur ng dalawang international sports events – ang Mt. Apo Sky and Vertical Race at ang Mt. Apo Boulder Face Challenge.
Ibibida naman ng Davao del Norte ang Kadagayaan Festival na magpapakita ng ipinagmamalaki ng lalawigan, bilang nangungunang agri-tourism site sa bansa.
Bahagi rin ng kasayahan ang Kabilin Festival ng Davao Oriental na magpapakita sa pinakamagagandang summer spot—ang Mt. Hamiguitan, Pusan Point, Cape San Agustin, at Aliwagwag Falls. Ipagpapatuloy ng Davao City ang pinakadinudumog na Day Tours ng Malagos Chocolate Tour, ang Davao City Du30 Tour, at Philippine Eagle Wildlife Tour.
Ayon pa kay Lizada, magkakaroon din ng Battle of the Strongest, sa National Crossfit Competition, at magtitipun-tipon dito ang mga atleta sa buong bansa.