Ni Bert de Guzman
LIKAS na palabiro ang ating Pangulo, si Rodrigo Roa Duterte, kahit sa mga pormal na pagtitipon, usaping seryoso at sa harap ng mga kagalang-galang na tao.
Sa harap ng Filipino-Chinese businessmen noong Lunes, kabilang si Chinesa Ambassador Zhao Jianhua, inihayag niya ang mga karapatan o sovereign rights ng Pilipinas sa mga teritoryo nito sa West Philippine Sea (South China Sea), pero kung gusto raw ng China, gawin na lang na isang probinsiya ang Pinas. Of course, nagbibiro lang siya. Di ba DOJ Sec. Vitaliano Aguirre II at presidential spokesman Harry Roque?
Nangiti si Ambassador Zhao nang sabihin ni PRRD ang ganito: “Gusto ninyo gawin nyo na lang kaming province ng China, eh di wala tayong problema.” Meron po tayong problema Mr. President, hindi marunong mag-Intsik ang 104 milyong Pinoy, sanay sila sa English ni Uncle Sam.
As usual, inulit na naman niya ang paulit-ulit na pahayag noon pang 2016 na handa niyang itaya ang kanyang buhay, karangalan at maging ang presidency sa pagtatanggol sa bansa. Badya ng kaibigang kong palabiro pero sarkastiko: “Eh bakit siya nagbibiro ng ganoon, gawing probinsiya ng China ang Pinas.” Hala nga, SWS at Pulse Asia, mag-survey kayo kung gusto ng mga Pinoy na pasakop sa China.
Dapat malaman at unawain ni Mano Digong na nang manumpa siya bilang Pangulo ng Pilipinas, sumumpa siyang itataguyod ang Konstitusyon at ipagtatanggol ang bansa at mga batas nito. Hindi siya dapat magbiro ng ganoon.
Lumalakas na lalo ang loob ng China sa mga pahayag ni PDu30 na ayaw niyang makipaggiyera sa China sapagkat walang kalaban-laban ang AFP sa puwersa nito at tiyak na mamamasaker lang ang mga sundalong Pilipino. Pero, Mr. President, hindi naman natin nais makipaggiyera sa China. Ang nais lang natin ay sabihin sa kanila na atin ang Panatag Shoal, Mischief Reef at iba pang shoal. At tayo ay tutol sa pagtatayo nila ng bagong mga isla malapit sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Tahasang sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go na hindi siya nakialam sa Navy frigate deal na nagkakahalaga ng P15.7 bilyon. Sa harap ng mga senador, itinanggi niyang nanghimasok ang Malacañang sa pamamagitan niya sa pagbili ng dalawang frigate mula sa South Korean shipbuilding giant Hyundai Heavy Industries (HHI).
Full force ang Duterte cabinet na dumalo sa pagdinig sa Senado upang suportahan ang paboritong “photo bomber” aide ni Mano Digong na si Bong Go. Maliwanag na kapag mahal ka ng Pangulo, ididepensa ka niya kahit ano ang mangyari. Pero kapag kaaway ka niya, humanda ka at hindi ka niya tatantanan. Tingnan ang nangyari kay Sen. Delilah, este Sen. Leila de Lima na ngayon ay nakakulong. Handa na ba kayo Rappler at Inquirer?