Ni Lyka Manalo
BATANGAS CITY, Batangas - Magsasagawa ng imbestigasyon ang Sangguniang Panlungsod ng Batangas City laban sa mga beach resort kaugnay ng posibleng paglabag ng mga ito sa environmental law.
Binanggit ni Councilor Nestor Dimacuha na ipatatawag nila sa isang committee hearing ang mga may-ari ng mga naturang establisimyento upang matukoy kung may akma silang waste disposal facility.
Sa regular session nitong Martes, ipinaliwanag ng konsehal na kapansin-pansin ang nagsusulputang resort sa baybaying-dagat ng lungsod subalit walang malinaw na plano kung may akma silang pasilidad para sa human at animal wastes.
Aalamin din ng imbestigasyon kung direktang nagtatapon ng basura ang mga nasabing resort sa coastal areas.
Tinukoy ng konsehal ang mga bagong resort sa Barangays Pagkilatan, Ilijan, Dela Paz at Verde Island, na idineklarang eco-tourism area.
Napapanahon na aniyang talakayin ang usapin upang hindi ito matulad sa nangyayari ngayon sa mga resort sa Boracay Island sa Aklan at Panglao, Bohol na namumoroblema sa kanilang waste disposal.