Ni Marivic Awitan
Mga Laro sa Sabado
(Filoil Flying V Centre)
8:00 n.u. -- UE vs FEU (Men)
10:00 n.u. -- AdU vs DLSU (Men)
2:00 n.h. -- UE vs FEU (Women)
4:00 n.h. -- AdU vs DLSU (Women)
HUMABOL ang reigning three-time defending champion Ateneo de Manila University mula sa pitong puntos na pagkakaiwan sa fourth set para maagaw ang 25-14, 25-27, 25-23, 28-26 panalo kontra Adamson kahapon sa UAAP Season 80 men’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Mistulang bumuga ng apoy si 4-time Most Valuable Player Marck Espejo matapos magtala ng season-high 31 puntos na kinabibilangan ng 26 attacks, 3 kill blocks at dalawang aces para giyahan ang kanilang ika-4 na panalo sa loob ng limang laro na nagluklok sa kanila sa solong ikalawang puwesto.
Napag-iwanan sa fourth set, 11-18, ang Blue Eagles bunsod nang magkakasunod na turnover. Ngunit unti-unti nilang binura ang nasabing kalamangan hanggang sa maagaw ang bentahe sa pagkuha ng matchpoint, 24-23, mula sa kill ni Ron Medalla.
Mula roon nakatatlong ulit pang nagtabla ang dalawang koponan bago nakuha ng Blue Eagles ang huling matchpoint sa pamamagitan ng quick attack ni Gian Glorioso at selyuhan ng regalong puntos ng Falcons ang panalo sanhi ng attack error ni Leo Miranda.
Bunga ng kabiguan, nalaglag ang Adamson sa markang 1-4.
Sa ikalawang laro, namayani ang De La Salle University kontra University of the East, 25-114, 25-20, 19-25, 25-21 para sa ikalawa nilang panalo.
Tumaas ang Spikers sa solong ika-apat na puwesto hawak ang barahang 2-3, habang nanatiling bokya ang Red Warriors matapos ang limang laro.