Ni Erik Espina
ANG kasalukuyang Konstitusyon ni Cory ay maaaring ilarawan sa tatlong payak na pang-unawa: 1) Hindi nagpasintabi si Cory Aquino sa taong-bayan noong 1986 Snap Election na sakaling maging pangulo, ibabasura ang 1973 Saligang Batas, sabay magpapatnugot ng bagong Konstitusyon; 2) Walang mandato si Cory na mga hindi halal ang susulat ng Saligang Batas basta rekomendado ng kaalyansa; 3) Maraming kahinaan ang produkto ng Con-Con na wari ay tumatayong Konstitusyon ng bayan.
Ilang awtor nito ang nakahanay sa “kaliwang” kaisipan. Sila din ang nagsulong ng Multi-Party at Party-list System na ngayon ay palpak at inaabuso. Magugunita na ang mismong Bise Presidente ni Cory, si Salvador Laurel at kabilang sa partido Unido, ay tutol sa tatlong nabanggit. Kahit pa sabihing dumaan sa plebesito itong konstitusyon, maliwanag na ito ay inilugso sa atin. Sapagkat kung hindi natin ito pinalampas, may bantang babalik tayo sa Freedom Constitution, na isang rebolusyonaryong pamahalaan.
Ang probisyon hinggil sa “anti-dynasty”, ay nagsilbing reaksyon sa klima ng Martial Law. Halimbawa, kontrolado ng Comelec ang Malacañang, naglahuk-lahok ang pambansang boto sa Katimugang Mindanao, at nanaig ang mga “war-lord” ng pamilyang pulitiko, dahil takot ang mga botante na ginagamitan ng pananakot, armas o di kaya naman ay nasuhulan ng pera, kaya nakakapamili ng boto at nakapandaraya.
Mali ang pang-unawang isinusulong, na puntirya ng “anti-dynasty”, na pagbawalan ang kapamilya na kumandidato at magkaroon ng pwesto sa gobyerno. Napaka-babaw ng ganitong kamulatan.
Sa ilalim ng tunay na demokrasya, ang kandidato ay nangangampanya at hinahalal o binubuslo ni Juan dela Cruz. Hindi kinokoronahan tulad sa kaharian o gaya ng mga estadong diktadurya tulad sa North Korea. Bakit mo paparusahan si Pedro tumakbo porke kamag-anak ni Pepe? Bakit mo tatanggalan ng karapatan ang taong-bayan humukom sa botohan? May matitinong pamilya na maaasahan at may pasaway din. May magkakapamilya na sila-sila ang nagbabangayan. Yan ang demokrasya! Ang mahalaga, ipatupad ang batas: 1) Tanggalan ng armas ang mga pulitikong may private army; 2) Hulihin ang namimili at nagsasangla ng boto; 3) Alisin sa pwesto ang lumabag sa wastong gastos sa kampanya; 4) At arestuhin ang mga mandaraya sa eleksyon. Yun yon!