Ni Fer Taboy

Dinisarmahan ng militar ang 24 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang magtangka ang mga itong dumaan sa isang military detachment sa Maguindanao, nitong Linggo ng gabi.

Sinabi ni Senior Supt. Agustin Tello, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), na dakong 6:15 ng gabi nang maharang ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA) ang naturang grupo ng MILF na sakay sa isang truck sa Barangay Milib, Sultan Sabaronguis, Maguindanao.

Ang grupo, aniya, na pinumunuan ni Kumander Orly Gampong ay kaanib ng 106th Base Command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Ang mga ito ay kaagad na dinakip ng natukoy na military unit dahil sa ilegal na pagdadala ng baril, katulad ng 18 na M16 armalite rifle, limang M14 rifle, isang M16 armalite rifle na may M203 grenade launcher, iba’t ibang magazine at mga bala.

Idinahilan naman ng military na walang koordinasyon ang grupo nang dumaan ang mga ito sa kanilang lugar.

Nilinaw naman ni Tello na pinakawalan din ang mga ito dahil na rin sa tigil-putukan na dati nang napagkasunduan ng GRP-MILF Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (CCCH).

Enero 24, 2014 nang pumirma ang Philippine government at MILF sa peace agreement.