Ni Dave M. Veridiano, E.E.

ANG insurgency ang isa sa mga gasgas na paksa na aming pinag-uusapan “over bottomless coffee”, ng mga kaibigan kong grupo ng “OLDIES” o “RETIRED” na beteranong tiktik, kapag kami ay nagkakasama-sama upang magpalitan ng kuru-kuro, hinggil sa mga sensational na krimen at kalagayang pang-seguridad ng bansa.

Bilang isang aktibong mamamahayag, dakilang tagapakinig lamang nila ako: “What I see & what I hear, leave it here!”

Kahit retirado na, tuloy pa rin sila sa nakasanayang trabaho, na ang suporta ay galing sa intelligence group, sa lokal at international community.

Ang aming “unwritten code” - maaari kong isulat ang pinag-uusapan basta protektado ko lang ang “identity” nung nagbigay ng impormasyon, na basehan ng aking kuwento. Ingat din ako rito, dahil mahirap maging biktima ng tinatawag na mga “deliberate leaks” o “fake intelligence report” na malakas makasira sa kredibilidad ng mamamahayag!

Mabigat ang pahayag ng kasamahan naming pinaka-matanda sa grupo. Aniya, lumalakas ang puwersa ng New People’s Army (NPA) at mukhang bastante ang “financial support” na kanilang natatanggap. May patagong tulong umanong galing sa isang malakas na bansa at dagdag pa ang nakokolektang “revolutionary tax” mula sa mga malalaking negosyante sa iba’t ibang panig ng bansa, kapalit ng ‘di pangha-harrass ng mga rebelde sa mga kumpanyang ito.

Partikular sa mga kumpanyang malakas magbayad ng “revolutionary taxes” sa NPA ay ang mga Telcos (telecommunication companies), na aabot ng P15 milyon ang nalulugi kapag nabo-bomba ang kanilang mga cellsite. Ang iba pang kumpanyang natakot sa NPA kaya nagbabayad ng “revolutionary tax” ay ilang shipping lines, bus liners, construction companies, mga minahan, at ilang banko, na pawang mga takot ma-bomba ang kanilang mga sangay sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Mahilig ako sa gadget, kaya naman lubhang interesado ako sa pagbibigay ng “revolutionary tax” ng mga Telcos. Naisip ko lang, na baka isa na ito sa mga dahilan kaya mahal maningil ang mga “internet data service provider” sa kanilang mga kliyente -- sa atin palang mga connectors nila binabawi ang dagdag buwis na ipinapataw sa kanila ng mga NPA!

Teka muna, sa nasilip kong dokumento, malinaw na ang bugbog-sarado sa pag-atake ng mga NPA sa iba-ibang lugar sa bansa ay ang mga cellsite ng Globe. At ang simpleng dahilan kaya umano ang Globe lang ang pinag-iinitan ng mga NPA, ay dahil sa patuloy na pagtanggi ng mga pinuno nito na magbayad ng “revolutionary tax” sa mga rebelde.

Ayon sa dokumento, ang pagpapasabog ng NPA sa mga cellsite ng Globe ay nagsimula noong 2002 hanggang sa kasalukuyang taon. Umabot na sa 89 na cellsite ang napasabog ng NPA at P1.3 bilyon ang halaga ng pinsalang tinamo ng Globe.

Sa kabuuang 89 na cellsite na pinasabog -- 23 sa Region 5 (Bicol), 19 sa Region 11 (Davao), 13 sa Region 3 (Central Luzon), 1 sa Catanauan, Quezon at 2 sa Compostela Valley -- bilyones ang pinsalang inabot ng Globe. Malayo kapag ihahambing sa mga cellsite ng Smart, na sa tala ng PNP ay bihirang ma-harass o pasabugin ng rebeldeng NPA, gayung halos kalugar lamang ng mga cellsite nito ang mga pinasabog na cellsite ng Globe!

Sa halip kasi magbayad ng “revolutionary tax” – nag-recruit ang Globe ng mga suwelduhang sibilyan sa lugar ng kanilang mga cellsite, upang bantayan ang mga tower at makipag-coordinate sa mga militar at pulis na nakasasakop sa lugar. Nagpainit lalo ito sa sitwasyon ng Globe, subalit nakatutulong naman dahil nabawasan ang pag-atake ng NPA sa cellsite ng Globe sa mga tagong kabihasnan sa bansa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]