MULA sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime, iba-ibang bansa naman ang pinabilib ng singer at miyembro ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) na si Rachel Gabreza nang tanghalin siyang champion sa Stars of the Albion Grand Prix 2018: 5th International Performing Arts Festival & Competition sa London, United Kingdom nitong nakaraang Lunes.
Wagi si Rachel sa professional category ng kumpetisyon at tinalo ang 30 katunggali mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Russia, Great Britain, Malta, America, Bulgaria, Ukraine, Greece, Cyprus, Estonia, India, Georgia, Armenia, Latvia, at Ghana.
Ang Stars of the Albion ay taunang international performing arts festival at competition na inoorganisa ng Musica Nova International Academy of Music sa UK at World Association of Performing Arts para magkasama-sama ang mahuhusay na musicians at mananayaw mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa unang level ng patimpalak, inawit ni Rachel ang Go the Distance. Ito rin ang naging unang piyesa ni Rachel sa “Tawag ng Tanghalan” at nagpanalo sa kanya kanya bilang daily winner noong 2016.
Nagtuluy-tuloy ang tagumpay ni Rachel sa level two ng Grand Prix at itinanghal niya ang I Am Changing ni Jennifer Hudson. Ito rin ang ibinirit niya para talunin at agawin ang golden mikropono mula sa defending champion ng “TNT” – isang performance na nagkamit ng score na 99% at ikinalaglag pa sa upuan ng punong hurado na si Rey Valera dahil sa kakapalakpak.
Ngayong taon, si Rachel ang ikalawang Kapamilya singer na nagbigay ng karangalan sa bansa at ibinahagi ang talentong Pinoy sa mundo pagkatapos ni KZ Tandingan na regular contender ngayon sa top-rating show sa China na Singer 2018.