Ni Mary Ann Santiago
Napilitang pababain ng parehong pamunuan ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 at Metro Rail Transit (MRT)-3 ang mga pasahero nito matapos magkaaberya ang kani-kanilang tren sa kasagsagan ng rush hour, kahapon ng umaga.
Sa abiso ng LRT-1, aabot sa 120 pasahero ang pinababa sa R. Papa Station matapos bumagsak ang air pressure gauge ng isang tren, pasado 6:00 ng umaga.
Sinabi ni Engr. Rod Bolario, director ng railway, na kaagad na naibalik sa normal ang operasyon ang LRT pagkalipas ng 30 minuto.
Samantala, pasado 6:00 ng umaga rin nang sapilitang pababain ang mga pasahero ng MRT nang magkaroon ng electrical failure bunsod ng mga bulok at lumang piyesa ng isang tren, sa pagitan ng Shaw Boulevard at Ortigas stations.
Ayon kay Aly Narvaez, media relations officer ng MRT, ilang metro ang nilakad ng mga pasahero para makabalik sa Ortigas station, habang inaalalayan ng mga guwardiya bago sumakay sa panibagong tren.
Wala namang suspensiyon ng biyahe sa mga tren ang MRT, bagaman naantala ang ilang biyahe habang ibinabalik sa depot ang nasirang tren.
Nitong Lunes, daan-daang pasahero rin ng MRT ang naabala matapos na maantala nang isang oras ang operasyon ng MRT, dahil sa problema sa power supply na dulot ng napilipit na kable.