NAGTAGPO na ang mga pusong pinaghiwalay ng tadhana sa muling pagkukrus ng landas nina Ana (Julia Montes) at Gael (Paulo Avelino) ngayong alam na ng huli na buhay pa ang dating kasintahan sa Kapamilya haponserye na Asintado.
Muntik nang mabulilyaso ang mga plano ng paghihiganti ni Ana nang muli silang magkita ni Gael nang dumalo siya sa masquerade ball upang makahanap ng ebidensyang magdidiin sa katiwalian ng mga Del Mundo.
Hindi man sigurado sa pagkatao ni Ana dahil sa suot na maskara, pilit kinausap ni Gael ang dalaga upang linawin ang lahat ng namagitan sa kanila, na nagdulot ng kaguluhan sa okasyon. Kung kailan malapit nang malaman ang pagkatao ni Ana, dumating si Xander (Aljur Abrenica) na nagpakilalang asawa nito.
Nag-umpisa na ang bagong kabanata sa buhay nina Ana at Gael, ngunit hindi para ipagpatuloy ang kanilang pag-ibig kundi para pabagsakin ang isa’t isa.
Ano nga kaya ang kahihinatnan ng pagtatagpo nina Gael at Ana? Manumbalik kaya ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa?
Huwag palampasin ang Asintado, ang seryeng kasado ang pag-ibig at paghihiganti, sa Kapamilya Gold tuwing hapon sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).