Ni Manny Villar

GALIT ang naramdaman ko sa pagkamatay ni Joanna Demafelis sa Kuwait dahil sa kalupitan ng kanyang mga amo. Natagpuan ang kanyang bangkay, na may mga tanda ng pananakit gaya ng mga baling buto, sa loob ng isang freezer sa isang bakanteng apartment.

Ayon sa mga ulat, nagtungo si Joanna sa Kuwait noong 2014 upang suportahan ang kanyang pamilya sa Iloilo ngunit binalak umuwi noong 2016, dahil marahil ay nakararanas na ng pagmamalupit. Huli siyang nakitang buhay noong Setyembre ng nasabing taon.

Kasama ako ng mga Pilipino sa galit at pagkondena sa malupit na kamatayan ni Joanna, isang kasimanwa, at ng marami pang Pilipino na iniwan ang kanilang tahanan upang mabigyan ng mabuting buhay ang kanilang pamilya, ngunit ang kinahantungan ay kamatayan.

Sinusuportahan ko rin ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait hangga’t hindi tayo nabibigyan ng kasiguruhan sa kanilang proteksiyon. Para sa akin, dapat pag-aralan ang pagpapadala ng mga kasambahay sa mga bansa na may mga kaso ng pang-aabuso. Totoo ito lalo na sa mga kababaihan, na lalong madaling abusuhin.

Napakinggan ko ang talumpati ng Pangulo, at ipinahayag niya ang nararamdaman ng marami sa atin – galit.

Sinabi niya na hindi tayo naghahanap ng tanging pagtrato o pribilehiyo para sa ating mga manggagawa, kundi ang paggalang sa kanilang dignidad at mga karapatang pantao. Nanawagan siya sa mga Arabo na huwag ituring na mga alipin ang mga Pilipino, at huwag silang ilagay sa panganib.

Tama siya. Ang mga Pilipino ay magagaling na propesyonal at manggagawa, hindi mga alipin. Pinahahalagahan natin ang relasyon natin sa Kuwait ngunit kailangan natin ang pagtiyak ng mga awtoridad doon na bibigyan nila ng katarungan ang sinapit ni Joanna, at bibigyan ng proteksiyon ang mga Pilipino na kasalukuyang nagtratrabaho roon.

Nais ko lang linawin na maraming Arabong bansa ang nagbibigay ng sapat na suporta at proteksiyon sa milyong Pilipino na nagtratrabaho roon.

Mabuti at naging mabilis ang pagkilos ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment, sa kaso ni Joanna. Tinatawagan ko ang mga ahensiyang ito na gumawa ng malakas na kasunduan sa Kuwait at iba pang bansa upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan doon.

Bilang karagdagan, tinatawagan ko ang pamahalaan na repasuhin ang pagganap ng ating mga embahada sa Kuwait at sa ibang bansa kung saan may nauulat na pang-aabuso. Pangunahing tungkulin nila na protektahan ang mga Pilipino roon. Nagtataka nga ako kung bakit mahigit isang taon mula nang huling makita si Joanna at walang kaalam-alam ang ating mga opisyal kung saan siya naroroon.

May mga tinanggal nang opisyal na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian. Sana ay ituon din ni Pangulong Duterte ang kanyang galit sa mga opisyal ng embahada na nagkukulang sa kanilang tungkulin at sa pangangalaga sa ating mga “bagong bayani.”

Inaasahan ko na mabibigyan ng trabaho ang mga umuuwi. Bilang lingkod-bayan sa nakaraan at pribadong mamamayan sa kasalukuyan, pinagsisikapan kong tulungan na makauwi ang mga OFW na nagkaroon ng suliranin sa pamamagitan ng pagpapalawak ng aking negosyo upang lumikha ng trabaho.

Nararapat na gawin natin ang lahat upang matiyak ang kaligtasan at komportableng buhay ng mga OFW. Isinulong ko ito nang ako ay nasa Kongreso. Kailangan natin ang kagawaran para sa mga OFW bilang bahagi ng Gabinete. Ilan pang kamatayan at pagdurusa ang kailangan bago mabigyan ng proteksiyon ang mga OFW?

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)