Ni NORA CALDERON
EXCITED na si Bianca Umali sa nalalapit niyang debut sa March 2.
Pinag-ipunan at pinaghahandaan ng bida ng Kambal Karibal ang kanyang debut at kahit may mga nagsasabi sa kanyang mag-travel na lang siya kaysa gumastos ng malaki sa debut, hindi siya nakinig. Kasi may gagawin pala siya sa gabing iyon na dedicated niya sa kanyang parents.
Maagang naulila si Bianca nang sabay na pumanaw ang parents niya noong bata pa siya kaya ang lola niya ang nagpalaki sa kanya.
“Marami po talagang kumukumbinsi sa akin na mag-travel na lang ako kaysa magkaroon ng debut, pero hindi po ako pumayag,” nakangiting wika ni Bianca. “Para sa akin po kasi, minsan lang akong magiging 18 years old at alam ko dream ng bawat teen na mag-i-eighteen na magkaroon ng debut. Kaya po itinuloy ko rin dahil hindi po lamang para sa akin, sa lola ko at mga friends ko ang special day na iyon, but for my parents, alam kong matutuwa silang makita akong 18 years old na.”
Sorpresa raw ang gagawin niya kaya excited na ang lahat ng kanyang invited sa debut niya, lalo’t wala siyang sinumang pinagsasabihan ng gagawin niya. And of course, may special participation din ang ka-love team at special guy sa buhay niya, si Miguel Tanfelix.
“Celebration din po namin ito ng buong cast ng Kambal Karibal, thankful kami sa mga sumusubaybay sa amin gabi-gabi, dahil extended po kami ng ilang linggo pa dahil sa mataas na rating na nakukuha namin gabi-gabi,” sabi pa ng dalaga.
Napapanoon sa GMA-7 ang Kambal Karibal, pagkatapos ng Sherlock Jr.