Ni Niño N. Luces

LEGAZPI CITY, Albay – Inihayag ni Ed Laguerta, resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng bawasan sa pitong kilometro mula sa walong kilometro ang danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon sa Aklan.

Sa briefing ng crisis management team ng Mayon sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi, na pinamunuan ni Office of Civil Defense (OCD)-Region 5 Director Claudio Yucot, ipinaliwanag ni Laguerta na maaaring maging kritikal ang linggong ito, dahil pagdedesisyunan na ng Phivolcs kung ibababa na ang alert level 4 ng bulkan sa level 3, kasabay ng pagbabawas sa danger zone nito.

Aniya, kahit nananatiling abnormal ang iba pang parameters, gaya ng pagbuga ng gas, pagkahulog ng mga bato, pagbulwak ng lava at pagyanig dulot ng bulkan, napansin ng Phivolcs ang paghupa ng base ng bulkan, o batay sa geodetic survey ay ang kapansin-pansing pagpatag ng lupa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nangangahulugan ito, aniya, na maaaring wala nang pressure sa ibabang parte ng bulkan.

“Although there is a plateau, ‘yung upper slope ng Mayon still inflated. Ibig sabihin may gap siya, so the possibility is nasa taas na lang ‘yung pressure,” ani Laguerta.

Ipinaliwanag ni Laguerta na susuriin nila ang aktibidad ng bulkan ngayong araw o bukas, para makapagdesisyon na kung ibababa na ang alert level o pakikiputin ang danger zone.

“Yung basehan natin to lower down the alert level, yung mga parameters na nakalagay doon sa alert level 4, dapat bumaba. Pero kung, halimbawa, hindi bumaba lahat, ia-assess din natin ang peligro na dinudulot nitong current activity ng Mayon, na kung hindi naman makakaabot dun sa mga community na na- evacuate. Kasi parang ‘yung nangyayari ngayon, physically, ang 8 kilometers is too cautious,” aniya.

Samantala, sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep sa Balita, na pauuwiin lamang nila ang mga residenteng apektado sa pag-aalburoto ng bulkan kung ibababa ng Phivolcs ang alert level sa 3 o 2, at dedepende pa rin sa resulta ng monitoring ng Phivolcs.