Ni Reggee Bonoan
PUNUMPUNO ng pulang lobo ang kisame ng kuwarto ni Angeline Quinto at may tatlong heart shaped balloon namang nakadikit sa dingding na may nakasulat na ‘I love you’ bukod sa petals ng pulang rosas na may I love you rin na nakalagay sa kama niya, pumpon ng gerbera flowers na kulay puti at pink at malaking brown teddy bear na may malaking pink ribbon na nakaupo malapit sa unan niya.
Ito ang inabutan niya nitong nakaraang Valentine’s Day.
Ayon kay Angeline, galing siya sa trabaho at pagpasok niya ng kuwarto ay ito ang tumambad sa kanya. Nagulat pero napangiti siya at nawala agad ang pagod.
Wala kasing date ang dalagang singer nu’ng Araw ng mga Puso dahil wala naman siyang karelasyon, sabi niya.
Panay ang kulit namin kung sino ang nagbigay ng baloons, mga bulaklak at teddy bear.
“Surprise lang po ng isang kaibigan,” mensahe sa amin ni Angge na may smiley.
“Ate Reg, ayoko na po muna sabihin, hindi rin naman ninyo kilala. Matagal na po ‘yun nanliligaw,” sabi pa ng dalaga.
Hirit namin na, ‘In fairness, effort ang ginawa sa kuwato mo’.
“Oo nga po, Ate Reg, nagulat ako pagpasok ko, galing kasi ako ng trabaho.”
Iginalang namin ang pahayag ng singer, baka nga naman maudlot kung ibubuking niya kung sino ang nagpadala.
Itinanong namin kung ano ang regalo sa kanya ni Erik Santos.
“Flowers at bracelet po,” sagot ng dalaga.
Mahilig talagang magregalo si Erik ng alahas kay Angeline kahit hindi naman ‘sila’, pero sabi namin sa dalaga nlay nag-i-invest na sa kanya ang binatang singer dahil baka sila naman talaga sa huli.
Samantala, wala na sa FPJ’s Ang Probinsyano si Angeline pagkalibing sa karakter ni Janno Gibbs na kuya niya sa istorya.
“Umuwi po kami ng probinsya, Ate Reg, ‘yun po ang kuwento namin,” saad ng dalaga.
Regular pa ring napapanood si Angeline sa ASAP at sa I Can See You Voice bilang isa sa Sing-vestigators kasama nina Kean Cipriano, Wacky Kiray, Bayani Agbayani, Alex Gonzaga at Andrew E.