karera copy

NAISALBA ng Probinsyano ang huling hirit ng mga karibal tungo sa makapigil-hiningang panalo sa 1st leg ng Philippine Racing Commission (Philracom) 3YO Local Fillies and Colts Stakes Race nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sakay ang pamosong jockey na si Mark Angelo Alvarez, ratsada ang Probinsyano sa unang biritan at halos nakadikit lamang ang karibal na The Barrister.

Ngunit, nagawang makalayo ng Probinsyano sa The Barrister sa huling 400 metro at matatag na nilagpasan ang pagbabanta sa krusyal na sandali ng Misha at Sotogrande para makamit ng matikas na colt mula sa lahi nina Fantasticat at Destiny’s Gold na pagbidahan ang 1,400-meter race na may nakatayang P500,000 premyo sa pagtataguyod ng Manila Jockey Club Inc.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Nagkaraoon ng pressure sa unahan, pero napagtiyagaan ko naman. Ginamitan na lang natin ng horse power at jockey power,” sambit ni Alvarez. “Ginulo ni The Barrister ‘yung plano, mabuti na lang may naiwan pang lakas sa huli.”

Naiuwi ng Probinsyano ang P300,000 para sa may-aring si Napoleon Magno, habang nakamit ni Leonardo M. Javier ang P112,500 runner-up para kay Misha. Nakamit ng Sotogrande ang ikatlong puwesto at P62,500 para sa may-aring si Dennis C. Tan.

Ikaapat ang Smell My Tell ni Antonio V. Tan at may premyong P25,000.

“That was a real racing treat to our horse-racing fans,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez. “We are slowly reaping the fruits of our rating-based handicapping system, wherein the horses that are pitted against each other are playing on an even field.”

Sa Henry Cojuangco Golden Miles Stakes Race (Race 6), nagwagi ang Tin Drum (Jockey JG Fernandez) kontra Atomiseventynine (AP Asuncion) at Hitting Spree (KB Abobo).

Ang iba pang nagwagi sa maaksyong karera nitong Linggo ang Truly Ponti (OP Cortez, Race 1), Creme Brule (RO Niu Jr., Race 2), Perlas ng Silangan (Pat R. Dilema, Race 3), Striking Colors (JB Guce, Race 4), Janders (RC Baldonido, Race 7), Eugene’s Fly Away (JB Cordova, Race 8), Diamond Away (JB Cordova, Race 9), Tan Goal (RG Fernandez, Race 10), Share Share (FM Raquel Jr., Race 11), Himpapawid (RO Niu Jr., Race 12) at Striking Move (JL Lazaro, Race 13).