Nina MIKE U. CRISMUNDO at DANNY J. ESTACIO, at ulat ni Fer Taboy

Tatlong katao ang nasawi habang may kabuuang 27 iba pa ang nasugatan sa tatlong insidente ng banggaan ng nitong Lunes ng hapon sa Butuan City, Agusan del Norte, sa Alaminos, Laguna, at sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa Butuan City, sinalpok ng wing van trailer truck ang isang multi-cab van sa Purok 1-Cebuano, Barangay Sumilihon, na ikinasawi ng tatlong katao habang walo ang nasugatan.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Princess L. Cawaling, 20, ng Purok 2, Bgy. Sumilihon; Ronald E. Balderas, 51, ng Romualdez, Agusan Del Norte; at Alex S. Avila, 33, ng Bgy. Crossing Luna, Bayugan City, Agusan del Sur.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sugatan naman sina Ricky M. Lomanog, 42, ng Bgy. Baan, Butuan; Keren H. Hijapon, 22, ng Bgy. Magkiyangkang, Bayugan City; Jade B. Busa, 34, ng Bgy. Banza, Butuan; Jessie John R. Balderas, 24, ng Bgy. Doongan, Butuan; Chona Mae C. Delapeña, 23, ng Bgy. La Union, Cabadbaran City, Agusan del Norte; Viviano A. Paquibot, 59; Seth June D. Aballar, 34, kapwa taga-Butuan; at Welmart S. Saliwa, 24, helper ng truck, at taga-Talakag, Bukidnon.

Batay sa imbestigasyon ng Butuan City Police Office-Station 4, patungong Surigao City ang Isuzu Wing van (HVT-749) na minamaneho ni Viviano A. Paquibot, 59, nang makabangaan ang multi-cab na minamaneho ni Aballar, bandang 12:10 ng tanghali nitong Lunes.

ANIM NAGKARAMBOLA

Sa Alaminos sa Laguna, 11 ang nasugatan nang magkarambola ang anim na sasakyan sa Del Pillar Street sa Barangay 4, nitong Lunes ng hapon.

Sugatan sina Raymund Cervantez, 17; Rhea Cervantez, 24, kapwa ng Tanauan City, Batangas; Carmen Isada, 65, ng Alaminos; Daisy Manalo, 24; Bernie Andrino, 11; Vilma Atienza, 56; Gerard Guevarra, 21; Lourdes Exconde, 61; Maria Esmeralda Atienza, 17; Riena C. Castro, 34, at Gabriela Castro, 6.

Sakay sila sa magkahiwalay na Isuzu jitney na minamaneho nina Fernando Kingking, 58; at Nelio Malabanan, 52 anyos.

Inaresto ang driver ng Isuzu truck (AGA-6599) na si Jayson D. Bermeo, 30, binata, ng San Antonio, Nueva Ecija dahil sa aksidente, na kinasasangkutan din ng isa pang Isuzu jitney, isang Mitsubishi Montero, at isang Toyota Avanza.

TRUCK VS VAN

Samantala, walong katao rin ang nasaktan sa banggaan naman ng delivery truck at van sa Calapan City, Oriental Mindoro, nitong Lunes.

Sa ulat ng Calapan City Police Office (CCPO), magkasunod na binabagtas ng dalawang sasakyan ang highway sa siyudad nang biglang bumagal ang takbo ng truck, habang hindi naman kaagad na nakapreno ang van at nasalpok ito.