Ni Clemen Bautista
MARAMING tourist destination sa iniibig nating Pilipinas. Isa na rito ang Isla ng Boracay. At kapag nabanggit ang Boracay, ang nasa isip ng mga nakarinig, isang paraiso ito at maipagmamalaking tourist destination sa ating bansa.
Pinupuntahan hindi lamang ng ating mga lokal na turista kundi ng mga turista na mula sa iba’t ibang bansa.Tag-ulan man o tag-araw, ang Isla ng Boracay ay dinarayo. Magandang venue o lugar ng outing ng mga guro at mag-aaral sa iba’t ibang paaralan. Gayundin ng mga kababayan nating balikbayan kasama ang kanilang pamilya.I sang hindi malilimot na karanasan kapag nagpunta ka ng Boracay, sabi nga ng iba natin kababayan, ay dahil sa kagandahan ng nasabing isla ng Aklan.
Bukod sa nabanggit, ang Boracay ay isa na sa pangunahing tourist destination sa daigdig. Maipagmamalaki ang dalampasigan ng Boracay na ang buhangin ay parang maputing repinadong asukal. Masarap lakaran kung nagbubukang-liwayway hanggang sa sumikat ang araw. Malamig. May pitong kilometro ang haba ng maputing dalampasigan. Naglalakad rin at tumatakbo dito ang mga Pilipino at mga turistang dayuhan. Natatandaan pa ng inyong lingkod nang mag-outing sa Boracay kasama ang mga co-teacher ko sa La Salle Greenhills. Umaga at hapon, naglulunoy at nagbababad sa malamig na tubig ng dagat ang aking mga co-teacher. Naka-bathing suit. Kita ang kanilang mga hita. May maganda at may parang pata ng hamon.
Sa dalamapasigan ng Boracay, nakita ko ang mga dayuhang turista na nagbibilad sa araw kung umaga. Sa puting bunagin, may latag na tuwalya. Naka-bikini ang mga babaing dayuhang turista. Ang iba nama’y topless. Hindi nahihiyang makita man ang kanilang mala-papayang dibdib at mga “boobs” na parang pritong itlog na itinapal. Matapos magbilad sa araw, lulusong sa malamig at malinaw na tubig at doon naman magbababad.
Kung mahina ang simoy ng hangin, banayad at malumanay ang paghalik ng tubig-dagat sa dalampasigan ng Boracay. At kapag malakas naman ang hangin mula sa laot ng dagat na mangasul-ngasul ang kulay, mabilis ang pagdating-alis ng alon sa dalampasigan. Isang napakagandang tanawin din sa Boracay ang paglubog ng araw at pagtatakip-silim.
Ang mga nabanggit ay ang personal na nakita ng inyong lingkod sa Boracay. Maayos ang paligid. Malinis at kakaunti pa ang mga resort. Ang forest land ng Isla ng Boracay ay wala pang mga nagsulputang parang kabute na mga gusali at establishment.
Marami sa ating mga kababayan ang nagulat at halos mabigla nang ipahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ipasasara ang Boracay sapagkat ang tubig doon ay para nang swimming pool ng dumi ng tao. Ayon sa pahayag ng Pangulo:
“Clean Boracay or I will close it”. Ganyan ang sinabi ni Pangulong Duterte kay Department of Environment and Natural Respources (DENR) Secretary Roy Cimatu. Ayon pa sa Pangulo, “Boracay is a cesspool. During the days when I was there, the garbage was just 20 meters from the beach”.
Kumilos naman agad ang DENR. Nabatid sa ginawang imbentaryo na may 11 sa 180 establishment na ang mga basura ay ipinaanod na lamang sa drainage canal. Sa telebisyon, ipinakita ang malaking tubo na ang dulo ay nasa dalampasigan.Maitim ang lumalabas na tubig na humahalo sa tubig-dagat.
Sa utos ng Pangulong Duterte, binigyan ng limang buwan na linisn ang Isla ng Boracay. Binalaan ni DENR Secretary Cimatu na kanyang ipasasara ang may 300 establishment na nakumpirma na hindi tumutupad sa mga batas-pangkalikasan lalo na ang kawalan ng sewage system. Inatasan na rin ng DENR Secretary ang regional director ng isla sa Malay, Aklan para isilbi ang notice of closure sa 300 establishment na walang wastewater treatment at wala ring maayos na water system.
Ang utos ni Pangulong Duterte sa DENR ay wasakin ang mga establishment sa Boracay na lumabag sa environmental at regulasyon sa kalusugan. Binigyan ng warning ang mga lokal na opisyal ng Boracay na sasampahan ng kaso dahil sa pagpapabaya sa tungkulin kaugnay ng mga problemang pangkalikasan sa Boracay.
Naghihintay ang ating mga kababayan at ang mga environmentalist sa magiging bunga ng gagawing paglilinis sa Boracay.
May nagsabi rin na ang pagkasaula ng Boracay ay bunga na rin ng katiwalian ng mga lokal na opisyal ng Malay, Aklan.
May nagdarasal din na sana’y maibalik ang kalinisan at ganda ng Boracay. Kung hindi maibabalik, ang Boracay ay tourist destination na maglalahong paraiso.