Ni Reggee Bonoan
EXTENSION ng opisina ni Ogie Diaz ang ipinatayong studio na isinunod sa pangalan kanyang anak na si Meerah Khel.
Miracle baby ang bunsong anak ni Ogie na anim na buwan pa lang sa sinapupunan ng misis ni Ogie na si Georgette nang iluwal kaya tumitimbang lang ng 680 grams.
Sa ilang buwang pamamalagi ni Meerah Khel sa incubator hospital ay hindi namin nakitang depressed ang aming dating katoto tuwing nakikita namin, lagi pa ring nakangiti at puma-punchline. Sa kabila pala noon ay may dalahin siyang mabigat na problema.
Nang ipagdiwang ni Meerah Khel ang kanyang unang taon sa mundo ay ganu’n na lang ang tuwa’t saya ng buong pamilya ni Ogie dahil ang laki-laki na ngayon at ang bigat na ng timbang ng kanilang bunso.
At tulad ni Ogie, masayahing bata si Meerah Khel na sa halos lahat ng litratong ipino-post ng ama ay nakangiti ang bagets.
Anyway, ang Meerah Khel Studio ang bagong venue for workshoppers ni Ogie na gustong mag-enrol ngayong summer.
“Actually, Ogie Diaz Productions pa rin itong Meerah Khel Studio, kaya ko ito pinagawa dahil nalalapit na ang summer workshop for acting, voice lessons at hosting,” kuwento ng TV/radio host cum actor. “Eh, wala pa namang nagtuturo ng hosting workshops kaya bubuksan ko ngayon.
“Ang mga facilitator ko na magtuturo si Bob Novales, the voice behind ASAP, si MJ Felipe para sa TV at saka si Boy Villarama for events hosting. Crash course lang itong offered namin pero inaalam pa namin kung gaano kahaba ang hosting workshop.
“Sa acting naman ang mga facilitator namin sina Aiko Melendez, Candy Pangilinan, Beverly Salviejo, Ron Morales at Lester Llansang. Kaya mga artista ang sa acting kasi para alam ang mga eksena, alam nila ang galaw, alam nila ang gusto ng mga direktor kaya mahuhusay. Marami na rin naman kaming nabigyan ng mga guestings among the workshoppers na alam naming may potential, so inilalako ko sa ABS-CBN mismo.”
Anu-anong shows na ang nilabasan ng produkto ng Ogie Diaz Productions?
“’Yung anak ni Ace Vergel, nasa No Ordinary Love, si Ace Kim Vergel. ‘Yung iba naman, mga Class A talents na nasa Blood Sisters, La Luna Sangre as Moonchasers. Under lahat sila ng Ogie Diaz Productions kasi talent supplier din kami ng ABS. Ang may hawak sa kanila ‘yung mga RM (road managers).
“Ako kasi ang hawak ko sina Liza Soberano, Isabel Ortega, Heaven Peralejo, si Hashtag Kid, Ron Morales, si Jobert Austria (komedyante) officially since yesterday (February 16), sa akin na siya,” pahayag sa amin.
May workshop din ba para sa gustong magdirek?
“Hindi pa sumasagi sa isip ko ‘yan kasi hindi pa naman ako direktor. Aktor at hosting pa lang kasi ‘yun ang alam kong ituro. ‘Pag magtatayo ka ng negosyo dapat alam mo ‘yung pasikut-sikot para in case walang host o aktor, eh, di ako ang magtuturo. Halimbawa, ‘yung parlor, huwag kang magtatayo ng parlor kung hindi ka marunong maggupit kasi hindi lahat matino o hindi lahat honest. O kaya restaurant, hindi naman ako marunong magluto, eh, di lolokohin lang ako sa marketing, kahit ba isang sibuyas ‘yan ‘pag itinago nila, malalaman mo pa ba? So itong workshop, at least alam ko.”
Taong 2015 nang simulan ang pagtuturo sa anim na estudyante na umabot sa 16. Ang pinakamababang bilang ng workshoppers ngayon ay 16 sa loob lang ng 26 hours.
“Hanggang sa naging walo, sampu, ngayon pinakamababa namin 16 students in 26 hours. Tuwing Sabado’t Linggo lang naman ‘yun. Sa mga interesado o gustong mag-enrol sa amin, mayroon kaming fan page na Ogie Diaz Acting Workshop o kaya email nila ‘yung sister ko, [email protected]. Siya ‘yung nagko-coordinate sa acting. Si Ranjo naman sa hosting, at least marami kaming nabibigyan ng trabaho at nabibigyan ng oportunidad ‘yung mga bata na malay mo dito sila ma-discover.
“For kids’ workshop, 7-12 years old, teens start ng 13 years old at ‘yung adult hanggang 40 years old, basta gusto nila. Importante may passion. Malalaman mo na may passion kapag hindi nakukuha umiiyak, ibig sabihin interesado kasi magandang paghugutan nila iyon sa acting pagdating ng araw. Huwag isiping failure sila kapag hindi natanggap kasi magandang hugot ‘yan,” say ni Ogie.
Planong imbitahan ni Ogie sina Toni Gonzaga at Luis Manzano para mag-share rin ng kanilang nalalaman.
“Gusto nilang mag-share ng kanilang knowledge sa konting panahon, masarap din kasing ang feeling na nakakabigay ka ng inputs mo,”sabi pa.
Tinanong namin kung may mga artista na gusto niyang alukin na sa tingin niya ay kapos sa pag-arte.
“Gag_ ka, Reggee!” bulalas ni Ogie.
Sabi namin, naka-video siya.
“O, ‘tapos on the spot mo pa ako!” sabay tawanan ng lahat.
Sa seryosong usapan, welcome naman daw ang sinumang artista na gustong mag-workshop sa Ogie Diaz Productions.
“Open naman kami diyan, may master class kami kay Beverly Salviejo.”
At kaya raw 26 hours ang oras ng workhop o 2 days ay para masanay ang lahat sa matagalang trabaho sa set.
“Actually, eight hours lang ang workshop, hindi naman 13 hours, pero sinasanay ko sila ng matagal kasi sa taping more than 13 hours ka. Kaya ngayon pa lang, aralin na kung kakayanin ng katawan nila ang mag-stay ng matagal sa set.
“Pinapa-experience rin namin sa workshoppers kung paano magin crowd, passers-by, paano maging talent, bit player, major support at lead. Pinapa-experience namin lahat iyon kasi ‘yun ang nakikita namin sa teleserye. Kung ano ‘yung kailangan sa isang teleserye, ‘yun ang itinuturo namin.
“Wala rin akong ibinibigay na certificate kasi baka gamitin na porke’t grumadweyt ng workshop, akala magaling ka na, hindi. Ang pinaka-diploma nila kapag nagkaroon na ng teleserye o guesting man lang. Hindi ako naniniwala sa mga ganu’n (diploma o certificate). Kasi naka-graduate ka nga, pulpol ka naman umarte,” katwiran niya.
Bawal kay Ogie ang may bakanteng oras dahil bukod sa pagiging artista sa The Blood Sisters, radio host, ay isa rin siya sa hurado sa kasalukuyang ginaganap na ‘MNL 48’ tuwing Sabado sa It’s Showtime kasama sina John Prats at Teacher Georcelle.
At masaya ring ibinalita ng katoto namin na nasa second printing na ang kanyang librong Pak! Humor at bumenta na ng 15,000 copies at number two ito sa mga pinakamabentang libro sa National Bookstores.