Ni Tara Yap at Ben Rosario

Nakiusap ang pamahalaan sa mga kaanak ng overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis, na pinatay sa Kuwait, na maghintay na lamang sa ikaaaresto ng mga suspek sa krimen.

Ayon kay Hans Leo Cacdac, administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), tinatrabaho na ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang pagdakip sa amo ni Demafelis na isang Lebanese at asawa nitong Syrian, na parehong tumakas matapos ang insidente. 

Naiulat na pinagbubugbog ng mag-asawa si Demafelis bago isiniksik ang bangkay nito sa isang freezer sa apartment bago sila umalis sa huli mahigit isang taon na ang nakalipas.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“I would think that part of the investigation will be undertaking leads and perhaps some of these leads might be confidential at this stage because precisely of the manhunt,” paliwanag ni Cacdac.

Pinakalma rin ni Cacdac ang kalooban ng pamilya ni Demafelis nang ihayag nito na nakikipag-ugnayan na sila sa Kuwaiti government kaugnay ng kaso. 

“We are hoping that justice will be served and that the Kuwaiti government will deliver it to us,” paniniyak nito.

Sa Marso 3 ang libing ni Demafelis, na kasalukuyang nakaburol sa bahay ng kanyang pamilya sa Sara, Iloilo.

Hinamon naman ni opposition Rep. Ariel Casilao ang gobyerno na panagutin ang lahat ng opisyal ng Philippine Embassy sa Kuwait na nagpabaya sa kaso ni Demafelis.

Ito ay kasabay ng panawagan ni Casilao sa pamahalaan na maglaan ng P1-bilyon special assistance fund, na magsisilbing standby cash upang mapondohan nito ang pagpapauwi sa mga manggagawang Pinoy na nangangailangan ng tulong.