Ni PNA

HINIKAYAT ni Makati City Mayor Abby Binay ang kabataan mula sa mga eskuwelahan at barangay na makialam at makipagtulungan sa kasalukuyang kampanya na “Pag-asa sa Makati” laban sa panganib ng ilegal na droga, at sinabing mayroon nang halos 6,000 partisipante ang lungsod, na mayorya ay galing sa mga pampublikong paaralan.

Inilunsad noong Abril 2017, layunin ng kampanya na pagsama-samahin ang aktibong kabataan na makakatuwang ng siyudad sa pagsusulong ng “drug-free Makati”.

“We are glad to note that the Pag-asa sa Makati campaign is fast gaining ground. We encourage more young Makatizens to participate in various training and activities being conducted in our schools and communities,” lahad ni Binay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“The entire program is aimed not only to cultivate the skills and talents of the youth, but also to empower them to be great leaders and role models for their peers,” dagdag ng alkalde.

Inihayag ng alkalde na ang pakikiisa ng kabataan sa kampanya para maging drug-free ang mga komunidad sa lungsod ay “much better and wiser option” kaysa pagsali sa mga fraternity o gang. Sinabi ni Binay na umaasa siyang iiwas ang kabataan ng siyudad sa pagsali sa mga nasabing grupo, makaraan ang insidente ng pananaksak noong Pebrero 9 ng isang estudyante sa Makati High School, na may kinalaman sa away sa pagitan ng mga grupo ng fraternity.

“I appeal to students and to all our young constituents to avoid any involvement with groups that breed violence, and to instead devote your time and energy to more productive endeavors, such as the Pag-asa sa Makati campaign,” saad ng alkalde.

Iniulat ng Makati Anti-Drug Abuse Council (MADAC) na ngayong nakabuo na sila ng mga student campaign group ay nakapagtatag na ng theater at arts skills sa mga estudyante, naturuan ang kabataan hinggil sa kanilang mga kaibigan o kaedad, at naging aktibo na sa kampanya sa pakikipaglaban sa ilegal na bentahan at paggamit ng droga sa mga barangay.

Samantala, mula noong Hulyo hanggang Disyembre 2017, nakapagsagawa na ang MADAC ng 31 Drug Abuse Prevention and Control (DAPC) lectures sa 21 paaralang elementarya at walong high school sa lungsod.

Nagdaos din ang MADAC ng Film Showing Kontra Droga na umere simula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 28, 2017, at sumaklaw sa 29 na barangay sa lungsod at nakapaghatid impormasyon sa 1,619 na residente kabilang ang mga bata, kabataan at mga magulang.

Nagkasa rin ang MADAC ng mga pagsasanay upang maiwasan ang droga, magsagawa ng mga seminar at lecture sa mga pribadong institusyon, kabilang ang Questronix Corporation, Pasay Rotary Club Southeast, at Globetek Science Technology.