ANG pagbubukas noong nakaraang linggo ng pinakamalaking stamping at welding facility ng Mitsubishi Motors Philippines Corp. (MMPC) ang naging hudyat ng gobyerno upang maging determinadong isulong pa ang lokal na sektor ng manufacturing.
Ang proyektong ito ng Mitsubishi ay kaugnay ng Manufacturing Resurgence Program (MRP) ng gobyerno, na batay sa timeline nito, ay nasa Phase 2 na ng implementasyon.
Puntirya ng MRP ang tiyaking maayos ang supply chain ng industriya, magkaloob ng access sa raw materials, at palawakin ang domestic market at pagluluwas ng mga produktong likha ng Pilipinas. Ang sektor ng manufacturing ngayon ang pinakamabilis lumago sa ating ekonomiya.
Bahagi ng MRP Phase 2 (2018-2021) ang pagkakaroon ng mga high value-added activity, pamumuhunan sa mga papaunlad na industriya, pag-uugnay o pagsasama-sama ng mga industriya sa pagitan ng maliliit, medium-scale at malalaking establisimyento.
Ang Mitsubishi ang unang nakibahagi sa Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS), ang programa ng pamahalaan na naglalaan ng $600 million insentibo sa buwis sa tatlong makikibahagi sa programa kapalit ng kanilang pamumuhunan sa mga pasilidad ng manufacturing at pagbubuo ng 600,000 sasakyan sa loob ng anim na taon.
Mamumuhunan ang Japanese car company ng P5.74 bilyon, na ang malaking bahagi ay mapupunta sa welding plant sa pasilidad nito sa Sta. Rosa, Laguna.
Ngayong nabuksan na ang stamping facility, magbubuo na ang MMPC ng 200,000 unit ng Mirage/G4, ang modelo ng sasakyang ini-enroll nito sa CARS Program.
Kukuhanin din nito ang supply ng ilan sa mga piyesa ng Mirage/G4 sa mga lokal na parts manufacturer sa bansa.
Nagsimula na ring magdagdag ng mga tauhan ang MMPC, ang ikalawang pinakamalaking kumpanya ng sasakyan sa bansa.
Ipinagmamalaki na magiging locally produced ang 37 porsiyento ng mga Mirage/G4. Sa pagtatapos ng anim na taong programa, maisasakatuparan na ng Mirage/G4 ang 50 porsiyento ng local content nito.
Hindi maaaring maliitin ang multiplier effect ng pamumuhunan ng Mitsubishi sa ating ekonomiya. Ang paggamit pa lamang ng mga piyesang gawa sa atin at ang pagkuha ng mga manggagawang Pilipino ay katumbas na ang mas masiglang ekonomiya para sa mga local parts producer, supplier ng materyales, hanggang sa paglikha ng trabaho at dagdag na kita.
Higit pa rito ang pagkatuto ng mga Pilipino ng bagong teknolohiya sa pagtatapos ng programa. Makatutulong ang lahat ng ito upang mapanatiling masigla ang manufacturing sector, ang tanging pag-asa para disenteng trabaho ng ilang manggagawa, na walang puwang sa mga tanggapan ng IT-BPO.
Inilunsad ang CARS Program sa panahong ang sektor ng sasakyan sa Pilipinas ay ikalawa na sa pinakamabibilis sa ASEAN, kung hindi man ang nangunguna mismo sa merkado, dahil bagamat umaalagwa ang industriyang ito sa Myanmar, lubhang kakaunti ang produksiyon at bentahan nito. Ang kabuuang benta ng mga sasakyan sa Pilipinas ay lumampas na sa 531,000-unit level noong 2017.
Ang incentive-for-investment CARS program ay isang mabuting halimbawa ng estratehiyang quid pro quo, na kapwa pakikinabangan ng lokal na ekonomiya na nangangailangan ng direktang foreign capital infusion at ng kapitalistang naghahangad na mapalawak pa ang kanyang negosyo. Walang dudang isa itong win-win strategy.