Ni Liezle Basa Iñigo

Limang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang isang umano’y lider ng demolition and explosive team nito, ang nasukol ng pulisya at militar sa isang pagsalakay sa Ilagan City, Isabela nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Isabela Police Provincial director, Senior Supt. John Cornelius Jambora, ang mga suspek na sina Mauricio Sagun, alyas Raul/Johny, 65, ng Barangay Old San Mariano, San Mariano, Isabela, umano’y lider ng Training Sparu, Demolition at Explosive Team ng NPA; Mario Turqueza, 65; Ariel Peñaflor, 48; Bernard Peñaflor, 21; parehong taga-Barangay Minanga, San Mariano, Isabela; at Maximiñano Domingo, 44, ng Bgy. Old San Mariano, San Mariano, Isabela.

Aniya, dakong 11:00 ng gabi nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division (RID), Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC), Provincial Intelligence Branch ng Ilagan City Police Station, 502nd Brigade 5 Infantry Division ng Philippine Army, Military Intelligence Group-2 (MIG-2) at ISAFP ang hideout ng mga ito sa Cabisera 17-21, Barangay San Antonio, Ilagan City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Layunin ng pagsalakay na maisilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Isaac de Alban ng Regional Trial Court (RTC) Branch 16, 2nd Judicial Region, Barangay Alibagu, Ilagan City, laban kay Sagun sa murder (3 counts).

Ang apat namang kasamahan ni Sagun ay dinakip nang mahulihan sila ng mga baril na kinabibilangan ng isang Pietro Berreta cal. 9mm pistol na may magazine na naglalaman ng 15 na bala, isang cal. 38 revolver na may limang bala, tatlong granada, blasting paraphernalias, isang sling bag, isang 9mm holster, isang lalagyanan ng granada, at iba pang kagamitan ng mga ito, at pera.