LOS ANGELES (AP) — Tagumpay ang NBA sa binagong format ng All-Star Game.

Mula sa dating ‘showtime’ na tema, naging tunay na laro ang 2018 edition na natapos sa impresibong play at matibay na depensa para maitaas ng tropa ni LeBron James ang kampeonato.

Hataw si James sa naiskor na 29 puntos, tampok ang go-ahead layup sa huling 34.5 segundo para makamit ang ikatlong All-Star Game MVP award matapos maitala ng kanyang tropa ang come-from-behind 148-145 panalo laban sa Team Stephen nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Sa kauna-unahang pagkakataon sa 67 edition ng All-Star Game, umalis ang NBA sa tradisyon na East-West format na ginagamit mula pa noong 1951. Sa bagong sistema, binigyan ng pagkakataon sina James at Stephen Curry – bilang team captain – na piliin ang kanilang kasangga.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

At nasaksihan ng b asketball fans sa buong mundo ang kakaibang senaryo.

Nagwagi ang Team LeBron sa depensa.

Sa huling play ng karibal, pinostehan nina James at Kevin Durant si Curry – pinakamahusay na three-point shooter sa kasalukuyan -- para mapigil ang posibleng 3-point-shooting tie.

“I think myself and Stephen took it upon ourselves when we took on this format that we had to change the way this game was played,” pahayag ni James, humugot din ng 10 rebounds at walong assists.

Kapwa nagpamalas ng matibay na depensa ang magkabilang kampo sa kabuun ng laro, kabilang ang three-point shot ni James sa harap ng depensa ni Gianis Antetekoumpo para maitabla ang iskor sa 144-all may 1:31 sa laro.

Muling umabante ang Team Steph sa isang free throw ni LA native DeMar DeRozan, ngunit kagyat itong nabawi ni James mula sa pasa ni Kyrie Irving. Sa sumunod na play, nag-turn over si DeRozan sa pasa kay Giannis Antetokounmpo na naging dahilan sa fast break lay-up ni Russell Westbrook may 10.7 segundo sa laro.

May tsansa pa ang Team Steph na maipuwersa ang overtime, ngunit napayungan nina Durant at LeBron si Curry, tumapos na may 11 puntos mula sa 4-of-14 shooting.

“We got stops when we needed to,” sambit ni Westbrook.