"CLEAN Boracay or I will close it." Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa unang bahagi ng nakalipas na linggo. “Boracay is a cesspool. During the days I was there,” sabi niya, “the garbage was just 20 meters from the beach.” Sinabi ng Pangulo na 11 sa 180 establisimyentong inimbentaryo ng DENR ang basta na lamang nagpapaanod ng kanilang mga basura sa drainage canal.
Nakalulungkot na ang isla na paboritong dayuhin ng milyun-milyong turista mula sa iba’t ibang dako ng mundo ay ikinukumpara na ngayon sa isang poso-negro. Asahan na nating mababawasan ang mga turistang dumadagsa sa isla dahil dito.
Subalit mainam nang nabunyag na ngayon ang problema upang agaran itong maresolba, kaysa naman hayaan nang lumala ang suliranin sa puntong hindi na ito masosolusyunan—o tuluyan na itong ipasara—gaya ng nangyari sa maraming magagandang lugar sa bansa na ilang dekada nang nakukulapulan ng polusyon.
Awtomatikong papasok sa ating isipan ang Manila Bay, ang makasaysayang lawa na minsang pinasok ng mga manlalakbay upang makarating sa Maynila sa pamamagitan ng Pasig River. Kung maitutulad na sa poso-negro ang Boracay, matagal nang ganito ang sitwasyon ng Manila Bay. Matindi ang dumi nito kaya naman ipinagbabawal ang paglangoy dito. Umaagos dito ang dumi mula sa Pasig River at sa iba pang daluyan sa Metro Manila at sa ilang bayan sa Laguna, Bulacan, Pampanga, Bataan, at Cavite.
Taong 2008 nang aksiyunan ng Korte Suprema ang reklamong inihain ng mamamayan at nagpalabas ng makasaysayang desisyon na nag-aatas sa 13 ahensiya ng pamahalaan “to clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters to make them fit for swimming, skin diving, and other forms of contact recreation.”
Gaya ng kaso sa Boracay ngayon, itinalaga ang DENR bilang pangunahing ahensiyang responsable sa pagpapatupad ng utos ng korte. Inatasan itong makipag-ugnayan sa iba pang mga ahensiya. Dahil pangunahing dahilan ng polusyon ang basurang itinatambak at ipinaaagos sa mga ilog na dumidiretso sa Manila Bay, inatasan ang Department of Interior and Local Government na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pag-iinspeksiyon ng lahat ng pabrika at kabahayan na nagpapaanod ng basura sa mga ilog at iba pang daluyan na umaagos sa Pasig, at dumidiretso sa Manila Bay.
May malaking bentahe ang Boracay bilang isla sa dagat, kaya nga napansin ni Pangulong Duterte ang naglutangang basura may 20 metro mula sa dalampasigan. Ang Manila Bay ay isang enclosed body of water na may makikipot na daluyang nakaugnay sa South China Sea. Dahil dito, naiimbak at hindi malayang makaagos ang dumi kaya naiipon lamang ito sa lawa.
Binigyan ni Pangulong Duterte si Secretary Cimatu ng anim na buwan upang linisin ang Boracay. Hinihimok natin siyang magbitaw ng kaparehong direktiba upang malinis ang Manila Bay, sampung taon makaraang ilabas ng Korte Suprema ang makasaysayan nitong pasya, na hindi naman naisakatuparan.