KZ Tandingan
KZ Tandingan
HABANG pinag-uusapan ang kanyang iniuuwing karangalan sa bansa dahil sa kanyang makatindig-balahibong performances sa Singer 2018 ng China, umaaasa si KZ Tandingan tuluy-tuloy pang magbubukas ang oportunidad sa Pinoy artists upang maipakita ang kanilang kahusayan sa international stage.

“Nakaka-proud maging Pinoy,” sabi ni KZ. “Hangad ko na pagkatapos nitong kumpetisyon ay mas marami pang pinto na magbukas hindi lang sa akin kundi para sa ibang Filipino performers, ngayon na nakita nila na iba pala ang artistry at galing natin. Nagpapasalamat ako na nagkarooon tayo ng ganitong opportunity.”

Sa kanyang pagkanta ng Rolling in the Deep ni Adele sa unang performance, nanguna sa botohan si KZ at natalo maging ang kanyang idolong si Jessie J sa ikalimang episode ng programa. Sa 6th episode naman nitong nakaraang Biyernes ay ikaanim siya sa walong magkakatunggali.

Pinili ni KZ na awitin ang hit ni Adele sa kabila ng mga mungkahi sa kanya na pumili ng ibang kanta. Pinangatawanan niya ang kanyang desisyon sa paniniwalang maipapakita niya sa Chinese viewers sa pamamagitan nito kung sino siya bilang artist.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Umaasa ang Star Music artist na may iba pang OPM artists na maiimbitahan sa susunod na season ng Singer 2018, na mahigit sa 200 milyon ang viewers kada linggo.

Tinututukan ang Singer 2018 dahil sa kaabang-abang na tapatan ng singers mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa boto ng live audience.

“Sa dinami-dami ng mga bansang p’wede nilang kunan ng talent, napili nila ang Pilipinas. Ang i-represent ang original Pilipino music (OPM) sa isang bansa na hindi palaging napapasukan ng international artists ay isa nang premyo na hindi kayang bilhin ng salapi,” sabi ni KZ.

“Pumunta ako sa China at sigurado akong walang nakakakilala sa akin. Ngayon may alam na silang maliit na Filipina girl na kumakanta mula sa puso sa number one show ng China. Nakaka-proud. ‘Yun ang impact na gustong ibigay ko hindi lang bilang Filipino, pero sa buong mundo – na lahat ng pangarap mo p’wedeng matupad basta maniniwala ka na kaya mo at gawin mo ang gusto mo,” sabi ni KZ.

Pagkatapos kumanta ng medley ng tatlong Chinese songs ay pumang-anim si KZ at pumuwesto naman sa pangatlo sa overall standing. Dahil dito ay regular contender siya sa Singer 2018 kaya muli siyang mapapanood sa Hunan TV sa susunod na Biyernes upang ipagpatuloy ang laban.