ni Ric Valmonte
NAHAHARAP sa sakdal na illegal possession of firearms sina Atty. Angel Joseph Cabatbat, ang driver niyang si Ardee Llaneros at mga kasamang sina John Ramos at Rodel dela Cruz, ayon kay Chief Supt. Guillermo Elnazar, Director, Quezon City Police District.
Sakay ng Montero Sport, ang apat ay tinambangan sa kanto ng East Avenue at EDSA ng tatlong lalake na nakasakay sa dalawang motorsiklo. Mapalad silang nakaligtas nang paulanan ng bala ang kanilang sinasakyan, subalit nagawa nilang makipagpalitan ng putok, at napatay ang isa sa tumambang sa kanila. Ang isa naman ay sugatan sa paa nang banggain ng driver ng Montero ang motorsiklong sinasakyan niya, samantalang ang kasama nila ay nakatakas. Ang napatay ay isang pulis, si PO1 Mark Ayeras, at ang sugatan na kasalukuyang nasa East Avenue Medical Center matapos maoperahan sa kanang paa, ay si John Paul Napoles. Sinampahan na ito ng Quezon City Prosecutor’s Office ng mga kasong attempted murder at illegal possession of firearm.
“Pinagaaralan pa namin,” sabi ni Chief Supt. Elnazar, “kung idedemanda ng homicide ang apat dahil may napatay.” Kaya, may nakaumang pang kaso sa apat na tinambangan bukod sa illegal possession of firearm. Pero, inaalam pa raw nila sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police kung kanino nakapangalan ang baril na nakapatay kay Ayeras. Sa salaysay ni Atty. Cabatbat, nang paulanan na sila ng putok, si John Ramos ang nakakuha ng baril sa front compartment ng kotse at nakipagbarilan sa mga tumambang sa kanila at tinamaan si PO1 Ayeras. Sabi rin ng abogado, ang baril ay pag-aari ng kanyang tiyuhin, pero wala naman daw itong maipakitang dokumento, ayon kay Elnazar.
Hindi dapat nasesentro ang pagkilos ng pulisya sa pangyayaring ito sa mga umano ay pananagutan ng grupo ni Atty. Cabatbat. Hindi magandang mensahe ang ipinararating nito sa mamamayan. Ginugulo lang ang isyu. Kapag ganito ang sitwasyon, na malinaw ang paggamit ng karahasan na pumapatay o naglalagay sa panganib ang buhay ng mga taong mapayapang nabubuhay, ang sentro ng imbestigasyon ay sa nang-abuso at gumamit ng karahasan. Insidental lang ang mga biktima. Ang higit na ipakilala ng mga alagad ng batas sa kanilang imbestigasyon ay ang mga masasamang loob. Sa kasong ito na pag-ambush sa abogado at sa kanyang mga kasama, ang pagkasawi at pagkadakip sa umambush ay dapat bagay na makatutulong para taluntunin ang kaduluduluhan ng pangyayari. Ito ang ibigay sa taumbayan na makatutulong din para sa kanilang kaligtasan.
Kung maaari, kahit sa antas pa lang nitong kaso ay ipinakikita na ng gobyerno ang pagkalinga sa mga biktima upang maliwanag sa mga masasamang loob na kalaban sila ng lipunan lalo na kung pulis pa sila. May batas pa rin naman na mangangalaga sa kanilang karapatan kapag nilitis na sila.