ni Clemen Bautista
UMAGA ng ika-16 ng malamig na Pebrero, 2018. Biyernes. Naging mahalaga at natatangi ang araw na ito sa mga mag-aaral sa public elementary at high school sa Barangay Mahabang Parang, mountain barangay ng Angono, Rizal sapagkat sila’y naging recipient o tumanggap ng regalo sa ginawang Gift Giving ng Pilipinong May Puso Foundation, sa pakikipagtulungan ng Rizal First District at pangunguna ni Representative Michael John Jack R. Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal.
Mahigit na 2,000 mag-aaral sa Carlos Botong Francisco Memorial National High School (CBFMNHS) at 1,354 na mag-aaral naman sa Donya Nieves Songco Memorial Elementary School ang ang naging mga recipient o tumanggap ng regalo mula sa Pilipinong May Puso Foundation.
Ang gift giving ay ginanap sa gymnasium ng CBFMNHS na dinaluhan ng mga guro at mag-aaral sa nasabing dalawang paaralan sa Bgy. Mahabang Parang. Marami ding mga magulang ng mag-aaral ang dumalo sa gift giving. Ang Pilipinong May Puso Foundation ay itinatag ng philantropist at chairperson nito na si Gng.Wen Velasco, ang butihing maybahay ni Representative Lord Velasco ng Marinduque. Naging inspirasyon sa pagkakatatag ng Pilipinong May Puso Foundation si Nanay Soling Duterte, ang ina ng ating Pangulong Rodrigo Duterte na noong nabubuhay ay nagbibigay ng tulong sa mga mag-aaral at mahihirap.
Naging panauhing tagapagsalita ang chairman ng Appropriation Committee sa Kongreso na si Representative Karlo Alexi B. Nograles, ng Unang Distrito ng Davao. Siya’y ipinakilala ni Rizal First District Rep.Michael John Jack R. Duavit na Vice Chairman ng Appropriation Committee sa Kongreso. Kasama nina Rep.Nograles at Rep.Duavit ang kanilang mga butihing maybahay at mga anak na tumulong sa pagbibigay ng regalo sa mga mag-aaral sa Bgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal.
Sa bahagi ng mensahe ni Representative Karlo Nograles, na kinatawan ni Gng. Wen Velasco, sinabi niya na nagpapasalamat siya kay Rep. Duavit sa pag-aanyaya sa kanya saAngono at kina Angono Mayor Gerry Calderon at Vice Mayor Sonny Rubin, Rizal Governor Nini Ynares, na ang kinatawan ay sina Rizal board member Dr. Ato Bernardo at Ross Glenn Gongora.
Ayon kay Rep. Karlo Nograles, sa batas na napagtibay ng libreng edukasyon sa State Universities and Colleges (SUC’s), ang Appropriation Committe sa Kongreso ay may inilaan nang budget na P40 bilyon para sa libreng tution fee o matrikula at miscellaneous fee ng mga estudyante na mag-aaral sa mga pamantasan at kolehiyo ng gobyerno. Sisimulan ang libreng matrikula sa SUCs sa school year 2018-2019. Nanawagan din si Rep. Karlo Nograles sa mga magtatapos ng Garde 12 sa Marso at Abril na matapos ang kanilang graduation ay mag-enroll na sa pamantasan at kolehiyo ng pamahalaan . Pumili ng kanilang course na pag-aaralan sapagkat pre-paid o bayad na ang kanilang matrikula at miscellanous fee.
Sa pahayag na ito ni Rep.Karlo Nograles, umugong ang malakas na palakpanan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang na dumalo sa gift giving. Idinagdag pa ni Rep. Karlo Nograles na ang mga magsasaka sa Pilipinas ay libre na rin at walang babayaran sa irigasyon o patubig sa kanilang mga lupang sinasaka, sapagakat may budget na rin para sa libreng water services o irigasyon. Pati ang pagkakautang ng mga magsasaka sa water services ng mga nakalipas na taon ay hindi na rin nila babayaran.
Sa pahayag naman ni Rep. Michael John Jack Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal, sinabi niya na bukod sa libreng edukasyon sa mga pamantasan at kolehiyo ng pamahalaan, sa unang distrito ng Rizal ay may napagtibay nang budget na P100 milyon para sa flood control sa Rizal. Ang nasabing halaga ang pinakamalaking inilaan sa flood control sa lalawigan.
Sa mensahe naman ni Rizal Governor Nini Ynares na binasa ni Rizal board member Dr. Ato Bernardo, pinasamalatan ng ina ng lalawigan ng Rizal ang Pilipinong May Puso Foundation sa pagpili sa mga mag-aaral sa Bgy. Mahabang Parang na maging recipient ng gift giving. Pinasalamatan din ni Gov. Nini Ynares sina Rep. Karlo Nograles at Rep. Michael John Jack Duavit, kasabay ang panawagan sa mga taga-Bgy. Mahabang Parang na patuloy na suportahan ang YES (Ynares Eco System) to Green Program na flagship project ng gobernador.
Nagpaabot din ng kanilang pasasalamat sa Pilipinong May Puso Foundation at kina Rep. Karlo Nograles at Rep. Jack Duavit sina Dr. Marites Ybanez, DepEd Rizal Division Supt., Gng. Edna Villamayor, school principal ng Carlos Botong Francisco Memorial National High School at G. Crispin Pagadora, principal ng Donya Nieves Memorial School at Kapitan Jojo Villanca, ng Bgy. Mahabang Parang.
At para naman sa mga mag-aaral sa Bgy. Mahabang Parang, ang umaga ng Pebrero 16, 2017 na selebrasyon ng Bagong Taon ng mga Intsik, ay hindi nila malilimot, dahil sa mga natanggap nilang regalo mula sa Pilipinong May Puso Foundation.