Ni Leonel M. Abasola

Kinumpirma ng kampo ni Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go na dadalo siya ngayong araw sa pagdinig ng Senado kaugnay sa frigate deal ng Philippine Navy.

Ang pagdinig ay ipinatawag ni Senator Gregorio Honasan, chairman ng Committee on National Defense and Security, batay sa kahilingan ng minorya.

Sinabi ni Honasan na lilinawin sa pagdinig ang mga akusasyong pinaboran ni Go ang Naval Shield Integrated Combat Management System sa pamamagitan ng pagliham kay Defense Secretary Delfin Lorenzana kumpara sa ibang bidders.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Itinanggi na ni Go ang mga bintang at iginiit niya na handa siyang magbitiw sa tungkulin kapag napatunayang nakialam siya sa pagbili ng mga frigate o bapor na panggiyera.

Katotohanan lamang ang nais niyang ipabatid sa sambayanan sa kanyang pagdalo sa pagdinig ngayong Lunes, ani Go.

Nauna nang tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque walang kinalaman si Go sa frigate deal dahil kasado na ito sa ilalim pa lamang ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Dagdag ni Roque na naninindigan si Pangulong Duterte at Go na sumalang sa public hearing at hindi sa isang executive session ang deal.

Nauna nang sinabi ni Senator Antonio Trillanes IV na walang kinalaman si Go sa frigate deal pero idinidiin naman niya si Duterte dahil aniya mas mataas na opisyal ang gusto areglohin ang deal.

Binatikos din ni Roque ang pahayag ni Trillanes na bagamat inosente si Go ay mayroon namang kumpas dito ang Pangulo.

Ipinaliwanag ni Roque na walang choice si Duterte kundi pirmahan ang notice of award dahil kailangang ipagpatuloy ng kanyang pamahalaan ang napirmahang kontrata ng nagdaang administrasyon.

Sinabi pa ni Roque na kahit sinong opisyal sa kasalukuang administrasyon ay walang partisipasyon sa kontrata dahil tapos na ang kasunduan at lalabag sa batas ang sinumang gusto itong baguhin.

Giit pa niya, ang kawalan ng pananagutan ni Go ay hindi dahil may nag-utos sa kanya kundi wala talaga itong partisipasyon sa kasunduan na pinasok ng nagdaang administrasyon.