Ni MARY ANN SANTIAGO
Nagtalaga na ng bagong Obispo ng Zambales si Pope Francis.
Si Monsignor Bartolome Santos, Jr. ay itinalaga bilang Obispo ng Dioceses ng Iba, Zambales, kapalit ni Archbishop Florentino Labaras na naitalaga namang pinuno ng Archdiocese ng San Fernando, Pampanga noong 2014.
Mahigit na apat na taong bakante ang dating puwesto ni Labaras.
Si Santos ay kasalukuyang Vicar General at Moderator ng Curia of the Dioceses ng Malolos sa Bulacan, bago ito maitalaga bilang Obispo.
Nagsilbi rin si Santos bilang rector ng National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela City simula 2009.
Si Santos ay ipinanganak Santa Maria, Bulacan noong Disyembre 1, 1967 at kumuha ng kursong Philosophy at Theology studies sa University of Santo Tomas sa Maynila.
Naordinahan siya bilang pari noong Agosto 27, 1992 at nagsilbi ring vicar sa San Pascual Baylon Parish ng Obando mula 1992 hanggang 1994.
Naging spiritual director at propesor din si Santos ng Immaculate Conception Minor Seminary of Malolos mula 1995 hanggang sa umalis siya sa bansa upang mag-aral pa sa Roma noong 1996.
Siya rin ang ikatlong Pinoy na tumanggap ng appointment ngayong taon.