Ni NITZ MIRALLES
NAKA-POST sa Instagram account nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla ang pictures na kuha sa pagkikita ng pamilya nilang dalawa.
Sa side ni Aljur, present ang ama at ina niya at tatlong kapatid. Pare-pareho silang nakangiti. Sa side ni Kylie, present ang amang si Robin Padilla, ang stepmom ni Kylie na si Mariel Rodriguez at ang lola ni Kylie na si Mommy Eva Cariño. Nakangiti rin silang lahat.
Sayang at six months old pa lang ang baby nina Aljur at Kylie na si Alas, hindi pa nito alam ang importansiya ng pagkikita-kita at pagsasama-sama ng parental at maternal relatives niya. Sa litratong nakita namin, ang mom ni Aljur ang may karga kay Alas.
Post ni Aljur: “Wala nang mas mahalaga pa sa pamilya at siyempre sa ngiting ngayon ko pa lang nakita mula sa mahal ko... Salamat po sa mainit na pagtanggap..”
Sa post na ito ni Aljur, malinaw na sila nina Kylie at ng kanyang pamilya ang bumisita sa bahay nina Robin at Mariel.
Walang masyadong comment si Kylie at ang caption lang sa picture ng pamilya niya at pamilya ni Aljur ay “Marked.” Sa picture naman nila nina Aljur at Robin, wala siyang caption at nag-goodnight lang.
Natuwa ang followers nina Aljur at Kylie sa magandang pangyayaring ito at ang wish nila, ikasal na ang dalawa. Malay natin, baka isa ‘yun sa mga napag-usapan ng magkabilang partido.
Ang hinihintay pa ng followers nina Aljur at Kylie ay ang post naman ni Robin sa social media account niya ng mga litratong kuha sa pagbisita nina Aljur at pamilya nito sa bahay nila ni Mariel.