Ni Jun Aguirre
BORACAY ISLAND-Bibigyan na ng pamahalaang lokal ng Malay, Aklan ng notice of violations ang 17 na establisimyento sa isla na lumabag sa sanitation code.
Inihayag ni Malay administrative assistant Rowen Aguirre, ang nasabing bilang ay inaasahang madadagdagan pa dahil patuloy ang isinasagawa nilang operasyon alinsunod na rin sa binuhay nilang programang Task Force: Bulabog.
Ang nasabing task force na binubuo ng mga kinakatawan ng local government ay may layuning ayusin ang mga problemang kinakaharap ng Sitio Bulabog sa Boracay.
Matatandaang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara nito ang naturang pangunahing tourist destination sa bansa dahil dahil sa mga paglabag nito sa environmental laws.
Binigyan na rin niya ng takdang panahon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maresolba ang usapin sa isla.